Padir ng anak, hinihintay lang magyaya… ANGELINE, GAME NANG MAGPAKASAL
ni Julie Bonifacio - @Winner | May 31, 2022

Inaabangan na si Angeline Quinto ng mga kababayan natin sa US at Canada para sa kanyang 10Q: Ten Years of Angeline Quinto concert series abroad sa October.
Tiniyak ni Angeline na kakaiba ang mapapanood ng mga kababayan natin sa Canada at US concerts niya compared sa ginawa niya sa Metropolitan Theater dito sa 'Pinas.
“Sa 10Q sa Metropolitan, oo, iba rin siyempre ‘yung repertoire na gagawin ko sa Canada. Pero siyempre, hindi pa rin mawawala ‘yung… siguro, may production ako na, or meron akong iba’t ibang songs na puwedeng surprise para sa mga tao roon. So, ‘yun ang pinaghahandaan ko ngayon,” sabi ni Angeline during our exclusive interview via Facebook messenger kamakailan.
Tinanong namin si Angeline kung may pasabog din kaya siya na ia-announce during her Canada and US tour tulad ng mga revelations niya sa MET.
“Oo naman, Tita,” pagkumpirma ni Angeline. “Hindi na mawawala ‘yun. Siyempre, kailangan, meron tayong bagong ireregalo sa mga manonood natin. ‘Yun naman talaga ang maipa-promise ko sa kanila.”
Say pa namin kay Angeline, baka gulatin niya ang kanyang audience sa Canada with a marriage proposal from the father of her child, Sylvio, na si Nonrev Daquina.
“Hindi pa naman,” sagot ni Angeline.
But just in case mag-propose sa kanya si Nonrev sa Canada or sa US, ready naman na kaya si Angeline to settle down?
“Ako, uhm, ready naman ako. Siyempre, may anak na ako, eh. Saka kung ibibigay naman sa atin, bakit hindi, ‘di ba?”
Naniniwala rin si Angeline na iba pa rin kapag buo ang pamilya.
“Oo, mas maganda kung buo ang family, ‘di ba, na kasal ka na. Puwede naman din.”
Kumbaga, nakasalalay kay Nonrev ang desisyon at galawan kung may plano siyang pakasalan si Angeline. 'Yan ay kung ‘di true ang mga tsika na kasal na rin daw si Nonrev sa isa sa mga ina ng nauna niyang mga anak na tatlong babae.
Anyway, ibinahagi rin ni Angeline sa amin kung ano ang pinakamahirap na bahagi sa kanyang journey as a first-time mom.
“Ang naging mahirap doon siguro, ‘yung first two months ko na nagbubuntis. Kasi ‘yun po talaga ‘yung medyo naging maselan ang pagbubuntis ko na kasabay nu’ng nag-a-ASAP ako.
“'Yun po ‘yung nag-spotting ako na parang dumating sa point na kailangan ko bang ihinto ang trabaho ko para mas mabantayan ko o mas maingatan ko ang pagbubuntis ko?
“So, ‘yun po talaga. Kaya every month, kailangan na meron akong checkup sa doctor ko. Kasi siyempre, since unang pagbubuntis ko, wala akong alam, eh. Hindi ko alam kung ano ‘yung nangyayari sa akin,” lahad niya.
Inamin ni Angeline na nakaranas siya ng post-partum depression after giving birth kay Sylvio.
“Parang lately, iniisip ko, makakabalik pa ba 'ko sa trabaho ko? ‘Yung ganu'n. Iniisip ko kung halimbawang bumalik ako sa trabaho, mahal pa rin kaya ako ng mga tao? Mga ganyan.
“Eh, part din po pala ‘yan ng post-partum…na minsan hindi ko alam na pinagdadaanan ko pala. Pero at least, naging alerto naman ako d’yan.”
Hands-on-mom daw si Angeline kay Baby Sylvio.
“Opo, kasi hindi ko na mababalikan ‘yung pagiging sanggol nitong anak ko, eh. So, hangga’t maaari, araw-araw, ako ‘yung talagang nakatutok sa kanya, kahit laging puyat. Kasi, 20 days (31 days now) pa lang ako nakakapanganak, ‘di ba?”
Naikuwento rin ni Angeline na buong akala niya ay isisilang niya si Sylvio via normal delivery. Kaya lang, dahil nag-labor daw siya nang almost 14 hours kaya parang na-emergency CS din si Angeline sa panganganak.
“Medyo maraming bawal. But actually, ‘yung pagbabalik sa trabaho nga, talagang ipinaalam ko rin sa doctor ko. Kasi, nu’ng una nga, ayaw pa akong payagan. Pero sabi niya, kung mag-iingat naman din ako talaga, okey naman na makabalik sa pagkanta.”
Sa kanyang panganganak, ‘di raw nawala sa isip niya ang kanyang Mama Bob.
“Siyempre naman, Tita. Oo, lalo na nu’ng buntis ako, talagang walang araw na hindi ko naisip ang Mama Bob lalo Tita Julie nu’ng nanganak ako.
"Nu’ng pagkitang-pagkita ko doon sa baby ko, talagang medyo naiyak ako kasi naisip ko ang Mama. Pangarap niya ‘yan, eh, magkaapo,” himutok pa ni Angeline.





Comments