Pacman, sinupalpal ang mga nam-bash sa pamimigay niya ng pera
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 17, 2021
HINDI MAN AMININ, TIYAK NA 'NAPA-ARAY' ANG MGA KURAKOT SA SINABI NI PACMAN NA, "ANO'NG GUSTO NILA, MAMIGAY AKO NG PERA O MAGNAKAW?'--Nakuwestiyon ang pamimigay ng pera ni Presidential candidate, Sen. Manny Pacquiao sa Batangas, at ang tugon dito ni Pacman ay matagal na niyang ginagawa ang pamimigay ng pera, noong 2002 pa, may eleksiyon man o wala, namimigay siya ng pera dahil maraming nangangailangan, at pagkaraan, ang sabi ng senador… "Ano'ng gusto nila, mamigay ako ng pera o magnakaw?"
Hindi man aminin, tiyak na "napa-aray" ang mga kurakot na pulitiko sa sinabing 'yan ni Pacman, period!
◘◘◘
SABI NI YORME, LAGOT SA KANYA ANG MGA SMUGGLERS, GANYAN DIN ANG PRAMIS NI P-DUTERTE NOON, PERO NANG MAUPO SA MALACAÑANG NAGING TALAMAK ANG SMUGGLING--Sabi ni Presidential candidate, Manila Mayor Isko Moreno na kapag siya ang naging pangulo ay bilang na ang araw ng mga smugglers.
Weh, ganyan kaya sinabi ni P-Duterte noong campaign period ng 2016 presidential election, na isa sa mga pupuksain niya ay ang mga smugglers, pero nang maging pangulo, lalong naging talamak ang smuggling, at ang matindi, pati tone-toneladang shabu naipupuslit sa Customs, boom!
◘◘◘
DAPAT ANG MGA PULITIKO, TULARAN SI GEN. ELEAZAR KUNG ANO ANG IPINANGAKO AY TINUTUPAD--Kung si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang nagsabing lagot sa kanya ang mga smugglers ay puwede pang paniwalaan ng publiko, kaya lang, hindi siya pulitiko at presidential candidate na tulad ni Yorme.
Tandang-tanda pa kasi ng publiko ang warning ni Eleazar nang maupo siyang PNP chief na lagot sa kanya ang mga scalawag na parak, at nagkatotoo ang kanyang banta kasi daming abusadong pulis ang nalintikan sa hepe ng Pambansang Pulisya, daming nakulong daming nasibak.
'Ika nga, dapat ang uri ng pagkatao ni Gen. Eleazar ang tylaran ng mga pulitiko, na kung ano ang ipingako sa publiko, tinutupad, period!
◘◘◘
ANG URI NG PAGKATAO NI GEN. ELEAZAR ANG DAPAT MAGING PULITIKO, HINDI ANG MGA TRAPO--Sa Nov. 13, 2021 ay retirado na si Gen. Eleazar, at kung nanaisin niyang pumasok sa pulitika ay may dalawang araw pa siya para sumapi sa alinmang partido at maging substitution pagsapit ng Nov. 15, 2021 kapag may umatras na kandidato sa anumang elective post.
Sa totoo lang, ang uri ng pagkatao ni Eleazar ang dapat maging pulitiko kasi kung ano ang ipinangako niya, kung ano ang sinabi niya tinutupad niya, hindi tulad ng mga trapo (traditional politician) na kapag panahon ng eleksyon, ang daming ipinapangako para iboto ng mga botante, pero kapag naluklok na, ang pangako ay napapako na, boom!





Comments