Pacman-Mayweather 2 tila bomalabs uli, Floyd choosy

by Gerard Arce @Sports News | November 17, 2026

Photo: Manny Pacquiao at Floyd Mwayweather / File
Nananatiling tahimik ang bawat kampo nina International Boxing Hall of Famers Manny “Pacman” Pacquiao at Floyd “Money” Mayweather Jr. kung maitutulak ang kanilang inaabangang rematch sa susunod na taon matapos maglatag ng iba’t ibang mga pagpipiliang makalaban ang unbeaten American boxer.
Patuloy na inuugnay ang pangalan ng nag-iisang eight division World champion na si Pacman kay Mayweather kasunod ng dating litanya ni MP Promotions Chief Executive Officer Jaspreet “Jas” Mathur, kasunod ng ilang beses na pagkakaantala ng naturang sagupaan na sinimulang lutuin sapol ng kanilang naunang bakbakan noong Mayo 2, 2015 sa binansagang “Battle for Greatness” o “Fight of the Century.”
Ginanap ang jampacked na bakbakan sa MGM Grand, kung saan lumikha ng kasaysayan pagdating sa pay-per-view at kabuuang kinita sa pandaigdigang pampalakasan – subalit kapwa lumingon sa magkahiwalay na landas sa loob ng mahigit isang dekada.
Ayon kay Mayweather, na may kinakaharap na kaso mula sa multimillion-dollar lawsuit mula CSI Sports, patuloy na kasama sa pangunahing listahan si Pacquiao sa nais makalaban sa 2027, ngunit may posibilidad din umano na patulan nito si reigning World Boxing Council (WBC) welterweight titlist Ryan “KingRy” Garcia para sa korona, gayundin ang mga dating nakaharap na sina legendary boxer Oscar De La Hoya at MMA fighter Conor McGregor.
“In 2027, I want a big fight,” wika ni Mayweather sa Wynn Records. “It could be Ryan Garcia, or it could be Oscar De La Hoya, or it could be Pacquiao, or it could be Conor McGregor.”
Subalit bago maisakatuparan ito ay may nakaabang na panibagong exhibition match ang 49-anyos na Olympic medalist kontra light-heavyweight boxer Matty Floyd ng Australia sa Disyembre 19 sa Bangkok, Thailand.





Comments