top of page

Pacers, Suns, Celtics, matibay at nanggulat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 30, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 30, 2022



Ipinasok ni rookie Andrew Nembhard ang pinakamalaking shoot sa kanyang musmos na karera at tinalo ng bisitang Indiana Pacers ang Los Angeles Lakers, 116-115, sa NBA kahapon mula sa Crypto.com Arena. Kasabay nito ay tumibay ang Phoenix Suns at Boston Celtics bilang numero uno sa Western at Eastern Conference sa hiwalay na tagumpay.


Tumanggap ng pasa si Nembhard mula sa beteranong si Tyrese Haliburton at ibinato ang three-points sabay tunog ng huling busina. Bago noon ay naka-buslo si LeBron James para palamangin ang Lakers na may 20 segundong nalalabi, 115-113 at tumira ng minadaling tres si sentro Myles Turner subalit nagmintis at nakuha ni Haliburton ang bola na ipinasa agad kay Nembhard.


Nanguna si Haliburton sa kanyang 24 puntos at 14 assist. Sumunod ang isa pang rookie Benn Mathurin na may 23 puntos at isang Canadian din gaya ni Nembhard na nagtapos na may apat na tres para sa 12 puntos.


Bumawi ang bumibisitang Suns sa huling anim na minuto upang baligtarin ang 104-101 lamang ng Sacramento Kings patungo sa 122-117 panalo. Bumida sa paghabol sina Damion Lee at Devin Booker na may pinagsamang 14 ng huling 21 puntos ng Phoenix.



Nagbagsak ng 44 puntos si Booker. Sinuportahan siya ni Deandre Ayton na may 17 puntos at 12 rebound at Lee na may 15 puntos.


Tinambakan ng Celtics ang bisitang Charlotte Hornets, 140-105, at palakihan sa dalawang laro ang agwat nila sa humahabol na pumapangalawang Milwaukee Bucks.


Bumanat ng 35 puntos si Jayson Tatum habang 22 si Marcus Smart at 21 si Malcolm Brogdan upang takpan ang pagliban ni Jaylen Brown.


Kinapos si kabayan Jordan Clarkson at Utah Jazz sa second half at umuwing panalo ang Chicago Bulls, 114-107.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page