top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pacers, Nets at Bucks humihigpit ang karera

  • BULGAR
  • May 13, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 13, 2021




Maghihintay pa ng susunod na laro at binitin ng Indiana Pacers ang nangungunang Philadelphia, 103-94, para lalong humigpit ang karera sa NBA matapos ang tampok na laro kahapon sa Bankers Life FieldHouse. Kasabay ng mga hiwalay na tagumpay ng Brooklyn Nets at Milwaukee Bucks, hindi muna nakoronahan ang 76ers bilang numero uno ng Eastern Conference at maaari pang magbago hanggang huling araw ng regular season sa Lunes.

Lamang ang 76ers papasok sa huling 5 minuto, 92-88, subalit humabol ang Pacers sa likod ni Caris LeVert na ipinasok ang siyam sa kanyang 24 puntos at putulin ang walong sunod-sunod na panalo ng Philadelphia. Isang panalo na lang ang kailangan ng Philadelphia (47-22) sa kanilang nalalabing tatlong laro upang matanghal na numero uno.

Humihirit pa para sa numero unong puwesto ang Nets at tinalo ang Chicago Bulls, 115-107, at umakyat sa 45-24. Gumawa ng 21 puntos si Kevin Durant at pitong kakampi ang nagtala ng 10 o higit pang puntos.

May pag-asa din ang Bucks at tinalo ang Orlando Magic, 114-102, sa likod ng 27 puntos at 12 rebound ni MVP Giannis Antetokounmpo. Kailangan walisin ng Bucks (44-25) ang kanilang huling tatlong laro at magdasal na hindi na manalo ang Philadephia at Brooklyn.

Dumaan sa overtime bago nilampasan ng defending champion Los Angeles Lakers ang bisitang New York Knicks, 101-99, sa bisa ng tres ni Talen Horton-Tucker na may 21 segundo sa orasan. Nanguna sa Lakers sina Kyle Kuzma na may 23 puntos at Anthony Davis na may 20 puntos.

Lumakas ang kapit ng Los Angeles Clippers sa ikatlong puwesto sa West at binigo ang Toronto Raptors, 115-96. Nakakasigurado rin ang Denver Nuggets na hindi sila bababa ng ika-4 na puwesto matapos manaig sa Charlotte Hornets, 117-112.

Nakatulong sa kampanya ng Lakers ang tagumpay ng Memphis Grizzlies sa Dallas Mavericks, 133-104, salamat sa 24 puntos ni Ja Morant. Tabla na ang Mavs at Portland Trail Blazers sa 40-29, isang laro ang lamang sa Lakers na 39-30.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page