Pacers inagaw ang Game 1 vs. Knicks sa East Finals
- BULGAR
- 9 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 23, 2025
Photo: Dinumog si Indiana Pacers guard Tyrese Haliburton (0) ng teammates habang nakaaktong hawak ang leeg matapos ang winning shot laban sa New York Knicks sa pagtatapos ng regulation period para makuha ang Game 1 ng NBA basketball Eastern Conference final kahapon sa New York. (AP Photo/Adam Hunger)
Naglabas ng nakahihilong huling hirit ang bisitang Indiana Pacers sa overtime upang maagaw ang Game 1 ng 2025 NBA Eastern Conference Finals laban sa New York Knicks, 138-135, kahapon sa Madison Square Garden. Kasabay nito ay iginawad ang 2025 MVP kay Shai Gilgeous-Alexander ng numero unong Oklahoma City Thunder.
Ibinalik ng buslo ni Andrew Nembhard ang lamang sa Pacers, 136-135, at 27 segundo ang nalalabi sa overtime. Itinapon ng Knicks ang bola na nagresulta sa dunk ni Obi Toppin para dagdagan ang agwat, 138-135, at nagmintis ang mga tres nina Jalen Brunson at Karl-Anthony Towns sabay ubos ng oras.
Sinayang ng Knicks ang 111-94 lamang na may 6 na minuto pa sa huling quarter at humabol ang Indiana. Ipinilit ni Tyrese Haliburton ang karagdagang 5 minuto sa three-points kasabay ng busina, 125-125.
Nagtapos na may 31 puntos at 11 assist si Haliburton habang 30 si Aaron Nesmith. Nagtala ng pito sa kanyang 15 sa overtime si Nembhard. Nawalan ng bisa ang 43 ni Brunson at 35 ni KAT. Ang Game 2 ay sa Sabado sa parehong palaruan at gagawin ng Knicks ang lahat para makaiwas na bumaba sa 0-2 sa seryeng best-of-seven.
Ito ang unang MVP ni SGA na nagtala ng 32.7 puntos at 6.4 assist sa 76 laro na pinakamataas sa 7 taon sa liga at tinalo ang iba pang nominado Nikola Jokic ng Denver Nuggets at Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks. Siya ang pangatlong Thunder na MVP matapos sina Kevin Durant (2014) at Russell Westbrook (2017).
Taga-Canada ang bagong MVP at patuloy na ang parangal ay napunta sa isang banyaga matapos ang huling Amerikano James Harden ng Houston Rockets noong 2018.
Saglit lang malalasap ang karangalan at sasabak ang OKC sa Game 2 ng West Finals ngayong araw sa Paycom Center laban sa bisitang Minnesota Timberwolves. Nagwagi ang Thunder sa Game 1.
Comments