top of page
Search
  • BULGAR

Pacers at Mavericks bumawi sa balwarte ng kalaban

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 24, 2024




Mahalaga na manalo sa tahanan ng kalaban sa NBA Playoffs at pinatunayan ito ng mga bisitang Indiana Pacers at Dallas Mavericks matapos bumawi at itabla ang kani-kanilang mga seryeng best-of-seven sa 1-1 kahapon. Nanatiling matibay ang Minnesota Timberwolves at pinalamig ang bisitang Phoenix Suns, 105-93, para maging 2-0 ang kanilang serye.


Humarurot ang Pacers sa 125-108 tagumpay sa Milwaukee Bucks kung saan bumalik ang kanilang malupit na shooting. Matapos manalo ang Milwaukee sa Game One, 109-94, tuluyang naramdaman nila ang pagliban muli ni Giannis Antetokoumpo.


Iyan ang daan para magdomina si Pascal Siakam na nagtapos na may 37 puntos at 11 rebound, hindi nalalayo sa kanyang 36 at 13 noong Game One. Ang iba ngayon ay umani siya ng tulong kay Myles Turner na may 22 at Andrew Nembhard na may 20.


Mahigpitan ang pagwawakas at sa huli at nanaig ang Mavs sa LA Clippers, 96-93. Tatlo lang ang bentahe ng Dallas, 93-90, at 21 segundo ang nalalabi at isinalba sila ng tatlong free throw ni Kyrie Irving bago itinakda ang huling iskor ng tres ni Paul George sa huling busina.


Halimaw si Luka Doncic na nagsumite ng 32 puntos habang 23 si Irving. Matapos lumiban noon Game One, balik-aksiyon si Kawhi Leonard at gumawa ng 15 ngunit hindi ito sapat habang may tig-22 sina Paul George at James Harden.


Humugot ng mahusay na laro ang Timberwolves kay Jaden McDaniels na nagtala ng 13 ng kanyang 25 sa second half. Sumuporta sina Rudy Gobert at Mike Conley na may tig-18.


Samantala, napiling Most Improved Player si Tyrese Maxey ng Philadelphia 76ers. Umangat ang kanyang numero sa 25.9 puntos, 3.7 rebound at 6.2 assist kumpara sa 20.3, 2.9 at 3.5 noong nakaraang taon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page