top of page

Pacers at Lakers, girian na sa finals

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 8, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 8, 2023



Maghaharap na para sa kampeonato ng makasaysayang unang NBA In-Season Tournament ang Indiana Pacers at Los Angeles Lakers matapos ang knockout semifinals kahapon sa T-Mobile Arena ng Las Vegas. Tinalo ng Pacers ang Milwaukee Bucks, 128-119, na sinundan ng malupit na 133-89 tambakan ng Lakers sa New Orleans Pelicans.


Sumapat ang 30 puntos ni Lebron James kahit hindi na siya ipinasok sa huling isa at kalahating quarter. Pinaupo na si LBJ na may anim na minuto pa sa third quarter at komportableng lamang ang Lakers, 90-60.


Kahit wala na si James ay lalong lumaki ang bentahe sa 110-71 sa pagsara ng third quarter at ang huling agwat na 44 ay siya ring pinakamalaki sa buong laro. Limang iba ang kakampi ang nag-ambag ng 12 o higit sa pangunguna na Austin Reaves na may 17 bilang reserba.

Pinatunayan muli ng Pacers ang bangis ng pinakamainit na opensa sa NBA sa likod ng pagmando ni point guard Tyrese Haliburton. Numero uno ang Indiana na may 128.4 puntos bawat laro at hindi magandang estratehiya para sa kanilang kalaro na labanan sila sa paramihan ng shoot.

Lamang ang Bucks na may anim na minuto pa sa huling quarter, 106-105, subalit nagtulungan si Haliburton at kapwa gwardiya Bruce Brown at sentro Myles Turner upang maagaw ang lamang. Inihatid ni Haliburton ang pandiin na three-points para 122-114 at mula roon ay prineserba ng Pacers ang panalo sa mga free throw.

Halimaw pa rin si Haliburton sa kanyang 27 puntos, 15 assist at walang turnover. Double-double si Turner na 26 at 10 rebound.

Ang kampeonato ay gaganapin sa parehong palaruan sa Linggo ng umaga, petsa at oras sa Pilipinas. Naghihintay sa kampeon ang bagong NBA Cup at $500,000 (P27.706-M).

Hindi pa nananalo ang Indiana ng NBA World Championship kumpara sa 17 ng Lakers. Nagharap ang dalawang prangkisa noong 2000 NBA Finals na kinuha ng Lakers, 4-2.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page