top of page
Search
  • BULGAR

Pabidang cong., namumudmod ng Ivermectin kontra COVID, makapagpapansin lang dahil

may ambisyon maging mayor.


ni Chit Luna - @Yari Ka! | April 15, 2021


Tunay na mahusay ang isang partylist representative pagdating sa pamumulitika. Kahit alam niyang ilegal, pinursige pa rin. Sukdulang malagay sa peligro ang mamamayan sa hangaring isulong ang kanyang napipintong kandidatura sa pagka-alkalde ng isang lungsod sa Metro Manila.


Kamakailan ay naglabasan sa social media ang post ng kumag na opisyal ng gobyerno na nanghihikayat sa mga taga-lungsod kung saan niya gustong maging mayor, na kontakin siya para makakuha ng libreng Ivermectin na aniya’y mabisang pamuksa sa nakamamatay na COVID-19.


Sa ikababatid ng lahat, wala pang patunay na ligtas at epektibo kontra COVID-19 ang Ivermectin — lalo pa’t ang nasabing gamot ay ginagamit lamang pamurga sa mga alagang hayop.


Siguro ay hayop ang tingin niya sa mamamayang Pilipino? Kainis!


Ang nakakapagngitngit, isa siyang mambabatas at malinaw na sinasabi sa batas na kailangan pa ng clearance mula sa ahensiya ng pamahalaang may kakahayang sumuri at maglabas ng rekomendasyon para sa anumang gamot kung ito ay gagamitin sa mga tao.


Isang paalala lang, ikaw ay pulitiko, hindi doktor o siyentipiko para magrekomenda o magpamahagi ng anumang gamot base lang sa tsismis na ibinahagi sa ‘yo ng kung sinumang tuta mo.


Pero mas nakakainis ang mga sumunod pa niyang pahayag hinggil sa ipinamamahagi niyang Ivermectin. ‘Pag may masamang epekto umano ang kanyang ipinamumudmod na pamurga sa hayop, labas na raw siya dahil bahagi ng kanyang proseso sa pagpapamahagi ay ang waiver na kailangang lagdaan ng mga lalapit sa kanyang botante.


Lumalabas na ang pakay lang talaga niya ay mangalap ng mga taong magsisilbi niyang political network sa 2022 general elections dahil ang target niyang maging mayor ay hindi puwedeng mabulilyaso.


Grabe, sukdulang ipagwalang-bahala niya ang kaligtasan ng mga tao maisulong lang ang adyenda. Ibang klase ang kakapalan ng mukha ng hinayupak na ‘to, ha?


Kunsabagay, ano ba naman ‘yung buhay ng mga pobreng taga-lungsod, hindi ba?


Isa siyang trapo — higit pa sa traditional politician na kinakatawan nito! Pwe!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page