Pabayang negosyo sa gitna ng pandemya, turuan ng leksiyon!
ni Ryan Sison - @Boses | March 20, 2021
Mahigpit na ipinatutupad ang minimum health standards sa lahat ng establisimyento.
Hakbang ito ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa kabila ng patuloy na operasyon ng mga negosyo.
Gayunman, tulad ng inaasahan, hindi lahat ng negosyante ay kayang sumunod dito.
Kaugnay nito, dalawang restoran at isang commissary ang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Quezon City matapos makatanggap ng impormasyon ang licensing department mula sa barangay na walo (8) sa crew ng commissary at mga restoran ang positibo sa COVID-19, at patuloy ang operasyon ng mga ito.
Bukod pa rito, lumabas sa imbestigasyon na wala ring permit ang nasabing restoran at ilegal din umanong nakapuwesto ang commissary sa loob ng isang subdivision, habang walang maipakitang occupational permit ang mga Chinese na empleyado ng commissary.
Samantala, nagbabala ang mga awtoridad sa mga nagpapatakbo ng restoran at karinderya na mahigpit na magpatupad ng health protocols.
Binigyang-diin din nito na kailangang sumunod sa paglalagay ng mga barrier at pagsusuot ng face mask at shield ng parehong food server at kostumer. Sa mga buffet, dapat umanong may server.
Gayundin, hindi na umano dapat pinapapasok ang food server kapag nakitaan ng sintomas ng COVID-19.
Kung tutuusin, malinaw na may kapabayaan sa panig ng mga ipinasarang negosyo, kaya sana’y magsilbing babala ito sa lahat ng negosyante na ‘wag dedmahin ang mga umiiral na health protocols.
Kung gusto ninyong kumita sa gitna ng pandemya, makiisa kayo sa mga hakbang ng gobyerno at iwasang dumagdag sa problema.
Baka sa halip na tuloy ang negosyo, sakit pala ng ulo ang hanap n’yo.
Kaya babala sa mga negosyante riyan, kung magpapatuloy ang inyong pagpapabaya, hindi lang kaligtasan ng inyong empleyado ang malalagay sa panganib dahil ang inyong mga kostumer ay ganundin.
Samantala, pakiusap sa mga awtoridad, patuloy na turuan ng leksiyon ang mga ganitong klase ng pasaway. Hangga’t hindi nauubos ang mga ito, lalong darami ang magugulang at pabayang negosyante.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments