Paat Una sa Crossovers Vs. Flying Titans sa PVL
ni Gerard Arce - @Sports | October 26, 2022

Giniba ng Chery Tiggo Crossovers ang Choco Mucho Flying Titans matapos itong sagasaan sa 4th set at kunin ang ika-apat na sunod na panalo para sa solo liderato sa bisa ng 29-27, 18-25, 25-16, 25-20 sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Patuloy na nanagasa ang 28-anyos na two-time national team bronze medalist’s na si Mylene Paat ng kumarga ng game-high 25 puntos mula sa 21-of-53 atake kasama ang tig-2 blocks at service aces, habang naging malaking tulong sa 4th set sina Czarina Carandang at nagbabalik na si Denise “Dindin” Santiago-Manabat upang maiselyo ang unbeaten streak sa 4-0 kartada. “Sobrang thankful kase bawat isa sa amin nag-contribute at kapag kinailangan namin ang isa’t isa nariyan sila palagi, may back up kami, 'di kami takot pumalo, na magkamali kasi alam namin na may back-up kami. Tsaka 'yung courage namin sa bawat isa, sa bawat game namin nariyan palagi eh, so 'yun 'yung hindi dapat nawawala,” pahayag ng dating Adamson Lady Falcons spiker.
Nagtapos din ng doble pigura sina Ennajie “EJ” Laure na may 15 pts mula sa 10-of-30 atake, 3 aces at 2 blocks at si import Jelena Cvilovic na umarangkada ng halos triple-double sa 10pts, 21 excellent receptions at 8 digs.
Matapos na mawala ng isang komperensiya ay muling nagbalik si middle blocker at wing spiker na si Santiago-Manabat na nagtamo ng matinding ankle injury sa tune-up match bago magsimula ang PVL Invitational Conference na nagpapahinga sa kanya ng 3 buwan.





Comments