Paat at Crossovers,ratsada sa All-Filipino
ni Gerard Arce @Sports | January 31, 2023

Mga laro sa Pebrero 4
(Smart Araneta Coliseum)
4:00 n.h. – Akari Chargers vs Choco Mucho Flying Titans
6:00 n.g. – Creamline Cool Smashers vs Petro Gazz Angels
Hindi maitatangging si Mylene Paat na ang panibagong mukha ng Chery Tiggo kasunod ng pagkakahirang dito bilang MVP sa nagdaang Reinforced Conference na tiyak na muling sasandalan ng koponan sa pagbubukas ng 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Pebrero 4 sa Smart Araneta Coliseum.
At dahil dito ay buong pusong tinanggap ng 28-anyos mula Bani, Pangasinan ang responsibilidad na pamunuan ang koponan na puspusang pinag-iigihan ang pagpapalakas sa laro matapos umalis si Dindin Santiago-Manabat at lumipat sa karibal na koponan na Akari Chargers. “Lahat kasi ng ginagawa ko at that time, sinasaulo at iniisip ko. Tine-treasure ko 'yung mga nakapaligid sa'kin,” wika ng dating Adamson University Lady Falcons, na makakakuha rin ng malaking suporta sa mga beteranong sina EJ Laure, Czarina Carandang, Jasmine Nabor, Shaya Adorador at Buding Duremdes. “Tapos 'yung ginagawa ko, na kahit mapagod ako, kahit na may mga injury ako, iniisip ko na lang na okay lang 'to. At least napapagod ako, hindi ako nabo-bore sa buhay,” dagdag ng two-time bronze medalist sa ASEAN Grand Prix, na todo ang pagpapakondisyon at pagpapalaki ng katawan ni Paat na kanyang ipinagmamalaki sa kanyang Instagram account habang sinisinagan ng isang ilaw.
Nais nitong matulungan ang koponan na mapantayan ang nakuhang kampeonato noong 2021 Open Conference ma pinagbidahan ng magkapatid na Jaja Santiago at Santiago-Manabat. Sinubukang makabawi ng Chery Tiggo sa Reinforced, ngunit hindi ito pinalad na makaalpas sa Creamline Cool Smashers sa battle-for-3rd place para sa 4th place finish. Unang susubukang sagasaan ng Chery Tiggo ang Cignal HD Spikers sa Pebrero 7, Martes sa ganap na 6 p.m. sa Philsports Arena sa Pasig City.





Comments