Paano lalabanan ang kultura ng sugal?
- BULGAR

- Jul 6
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 6, 2025

Tatlongpu’t tatlong taon na nang sinimulan ng Parokya ng Transfiguration of our Lord sa Murphy, Cubao ang kampanya laban sa “Sugal Bata”. Mula noon hanggang ngayon, malayo na ang narating ng “Sugal Bata”.
Noong araw bagama’t hinahaluan ng tayaan, karamihan ng mga “Sugal Bata” ay mga simpleng laro na masaya at nakapapawis maski na walang tayaan ng pera. Kabilang sa ilan sa mga larong ito ay dyolens, gulong-goma, sabong-gagamba, POGS at marami pang iba.
Idagdag pa natin ang basketball na karaniwang sinasamahan ng mga magkalabang panig ng tayaan o librehan ng meryenda pagkatapos ng laro. At ang pawang inosenteng basketball ng mga nakatatandang may perang pantaya ay naging sugal na rin sa mga teenager at sa mga mas bata pa. Ano nga ba ang problema? Ang sugal ba o ang kultura ng sugal?
Malalim at matagal na ang kultura ng sugal sa ating bansa. Siguradong merong literature tungkol sa kultura ng sugal, kung kailan at paano nagsimula ito at ang iba’t ibang mga puwersa lokal o global na maaaring nakatulong na palaganapin at palalimin pa ito. Pero, sa ibang panahon na lamang natin pag-ukulan ng pansin ang kasaysayan ng sugal sa ‘Pinas.
Magandang hakbang ni Senador Win Gatchalian na usisain ang e-gambling sa ating bansa. Sana lang hindi ang e-gambling ang imbestigahan nila kundi ang lahat ng uri ng sugal, lalo na ang mga lubhang nakakaadik sa marami lalung-lalo na sa mga kabataan.
Sinamahan din ni Cardinal Ambo David ang kampanya ni Gatchalian laban sa e-gambling sa pagpuna nito na: “Tila walang ginagawa ang gobyerno upang protektahan ang mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan na huwag maging mga adik sa sugal.”
Hindi lang ang mga e-gambling ang problema kundi ang mga korporasyong nagpapatakbo ng mga ito. Dahil sa panukala ni Gatchalian biglang nagkaroon ng malawakang bentahan ng “stocks” ng isang korporasyon. Ano ang ibig sabihin nito?
Tungkol sa pera ang sugal, mula sa nagsusugal, sa nagpapasugal hanggang sa nagpopondo at nagmamay-ari ng korporasyon ng e-sugal. Napakalaking pera ang kinikita ng araw-araw na pasugal gamit ang mga mobile phone at mga computer. At lalo na’t napakadaling tumaya gamit ang mga e-wallet tulad ng GCash at PayMaya.
Patungkol talaga sa pera ang sugal. Tingnan na lang natin ang naabot na kapital ng isang korporasyon sa halaga ng P 222.68 bilyon, at hindi lang ito tungkol sa pera kundi sa kultura ng sugal mismo! Kung ganito kalaki na ang salaping pumasok dahil sa e-sugal, isa lang ang ibig sabihin nito, maraming-marami na ang nag-o-online gambling.
Ayon kay Gatchalian, tunay na mapanganib ang sugal, lalo na ngayon ang e-gambling o e-sugal dahil ito ay online at madaling-madali na maski kanino.
Kapag naging sugarol na ang sinuman madali nang malusaw ang moralidad, magkaroon ng mental health issues (‘masiraan ng bait kaiisip kung paano babayaran ang utang sa pagkatalo’), matinding problemang pinansyal ng pamilya, pagkaadik sa sugal na kailangang ipa-rehab, ang pagkakaroon din ng mga bisyong kakambal ng sugal at ang krimen dahil sa desperasyon.
Dagdag naman ni Cardinal Ambo, “Dahil sa sugal, goodbye pag-aaral, goodbye disenteng trabaho, goodbye pag-asa ng mga masisipag na pamilya. At hello, hello sa bagong generasyon ng mga adik sa sugal.”
Kung isang kultura ang sugal, kailangang lumikha ng kontra-kultura (counter-culture) para palitan ito.
Tingnan natin ang mga sektor na pinakaapektado nito: mga kabataan mula elementarya hanggang hayskul at kolehiyo, mga kalalakihan -- mga kuya at ama na may konting pantaya sa e-sabong, e-bingo at iba pa, mga kababaihan at kalalakihan din na adik na sa jueteng at tong-its. Pero ano nga ang bago at kapalit na kultura na maaari kontra sa nakakaadik at nakakasirang mga sugal?
Sikat ngayon ang tennis dahil kay Alex Eala. May bagong larong sumisikat din, pickleball. Marami na rin ang nagba-badminton, at mas maraming sumasali sa mga running events. Sports ang gusto ng marami, maging ng kabataan. Trabaho, hanapbuhay, kailangan ng mga magulang imbes na sa sugal na umaasa ng panggastos. Bagong ugnayan sa kalikasan, sa Diyos, sa pamayanan at sa bayan.
Sa halip na hayaan ang maraming malulong sa masamang bisyo at puwedeng ikamatay na adiksyon, maaaring akayin ang lahat sa makabuluhang gawain o libangan mula sports tungo sa hanapbuhay at sa pagpapalalim ng pagmamahal sa Diyos at sa bayan.
Ang tawag dito sa Ingles ay ang pagtataguyod ng mga “mabubuting adiksyon” o positive addictions na pabor sa kalusugan, sa pag-unlad ng kaalaman at personalidad, sa pagpapalalim ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kalikasan at sa Inang Bayan.
Posibleng simulan at palaganapin ang bago at positibong kultura na malinis, habang malayo at tutol sa bisyo at adiksyon. Magsisimula ito sa bawat indibidwal ngunit napakaganda kung kasama ang lahat ng sektor at higit sa lahat kasama at suportado ng pamahalaan!








Comments