Paalam Kap Beth, Agila ng Escopa 3
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 14, 2021
Damang-dama natin nang nagmisa tayo para kay Kap Beth noong ika-3 ng Hulyo 2021 na malapit na itong bumalik sa mahal na Ama. Hindi natin makalimutan ang omeliya, “Hindi nakakatakot, hindi masama at hindi kaaway ang kamatayan. Kung naging totoo, malinis at wagas ang iyong paglilingkod at pagbibigay ng sarili sa kapwa, tunay na maganda ang iyong mga huling sandali bago humarap sa Panginoon.”
Bilang lider makikilala si Kap Beth sa kanyang pokus o tutok sa anumang proyekto. Kung ano ang kanyang target ay hindi nito lulubayan hanggang hindi natatapos. Madiskarte rin siyang lider. Alam niya kung paano maghanap ng epektibong paraan para matapos ang anumang sinimulan. Mataas ang kanyang pangarap na makilala at tularan ng ibang barangay ang Barangay Escopa na madalas pag-isipan ng hindi positibo ng mga taga-labas. “Escopa? Ah, snatcher ang mga tao riyan — durugista, makakalat at iba pa.” Kaya isa sa pinakamaraming binibigyan niya ng trabaho ay ang mga handang magwalis at maglinis ng mga lansangan — street sweepers. Nakayanan ni Kap Beth na pamunuan ang isang barangay na karamihan sa kanyang kagawad ay oposisyon. Madalas ang diskusyon, ngunit natatapos ang lahat sa magandang pag-uusap at pagkakasundo.
Sabi ng isang kaibigan nito, “Bilang kaibigan si Kap Beth, siya ay sobrang “generous” o mapagbigay. Kung meron siya, sasagutin niya ang lahat hanggang sa kanyang makakayanan. Kung hindi ka niya matutulungan sa paraang pinansiyal, hahanapan ka niya ng ibang tulong para mairaos ang iyong problema. Ilalapit ka niya sa mga kakilala niya sa iba’t ibang ahensiya para makasiyahan ang iyong pangangailangan. At hindi lang niya ikaw ituturing na kaibigan, kundi pamilya.”
May kasabihan na sa kamatayan ay karaniwang makikitang nakatiklop ang mga kamay sa dibdib na parang may hawak, ngunit ang laman nito ay hindi salapi, ari-arian o posisyon sa mundo, kundi ang lahat ng iyong ipinamigay at ibinahagi sa kapwa.
Paalam mahal na Kap Beth. Ipagdasal mo kami sa Inang Maria na sumundo sa iyo sa iyong kaarawan. Masaya ka na rin at makakasama mo ang iyong mahal na inang Maria rin ang pangalan. Hindi mo na mararanasan ang sirko at sarsuwela ng parating na kampanya at eleksiyon. Ipagdasal mo ang iyong mahal na Bayang lugmok sa pandemya at maruming pulitika.
Nakikita natin ang ngiti ng kaibigan, kasama, kapanalig na Beth. Tila nagsasabing, “Okay na ako. ‘Wag kayong matakot at magtiwala lang. Gumawa ng mabuti sa sarili at sa kapwa, at magtiyaga sa lahat ng pagkakataon. Magiging mabuti rin ang kalagayan ng bawat isa.





Comments