top of page

Paalam FR. Picx, Kristiyano, propeta

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 1, 2024
  • 4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 1, 2024



Fr. Robert Reyes


Mahilig sa bansag ang mga Pinoy. Halos lahat sa atin ay nakatikim na ng bansag.

Ang ilan sa bansag ay dumikit na, pero marami-rami namang hindi. May isang bansag na una kong narinig noong mga panahong sinimulan kong tumakbo para o laban sa mga isyu. 


Dahil sa ginagawa kong pagtakbo, may sumubok na tawagin akong “running priest.” Pagtagal-tagal, tila dumikit at hindi ko na mawaglit ang bansag na ‘yan na hanggang ngayon ay naroroon pa rin. 


Madalas-dalas nating naririnig ang ganitong mga bulungan ng mga nadaraanan sa kalye, sa mall, sa MRT o LRT, sa mga dyip, tricycle at kung saan-saan pa. Sabi nila, “Hindi ba siya ‘yung paring tumatakbo?” 


O minsan nama’y wala nang mga salita, kundi magmu-muestra na lang ng mga kamay na kumakampay tulad ng taong tumatakbo. Alam na kung sino ang tinutukoy nila.

Ilang taon lang ang lumipas nang dumating ang isang paring gumamit ng ibang paraan ng pamamahayag. Ang nagbibisikletang pari na ang pangalan niya ay Padre Amado


“Picx” Picardal CssR o miyembro ng mga paring Redemptorist (tulad ng mga namamahala sa Our Lady of Perpetual Help Shrine ng Baclaran). 


Nagpahayag si Padre Picx na bibisikletahin niya ang buong Pilipinas para mamahayag ng mabuting balita ng Panginoong Hesu-Kristo. At malaking bagay na dumating na ang mobile o cellphone na gumagamit ng internet. Malaking bagay din na nagsisimula nang sumikat at maging popular ang social media, lalo na ang Facebook. Mabuti rin na mahilig at mahusay magsulat si Padre Picx. Kaya’t maraming sumusunod sa kanyang blog.


Ilang beses din kaming nagkasama ni Padre Picx sa mga okasyong tuwang-tuwa ang media na pag-usapan ang pagsasama at pagtutulungan ng “running priest” at ng “cycling priest.” Noon pa’y maganda na ang pagkakaibigan at pakikipagtulungan ko kay Fr. Picx, ang “biking priest.”


Bago pa nauso ang “death threat”, naranasan na ito ni Padre Picx noong siya’y nakadestino sa Davao City. Sinubaybayan at itinala ni Padre Picx ang libu-libong kaso ng extra-judicial killing (EJK) na isinagawa umano ng mga Davao Death Squad.


Malaking bagay ang dokumentong nagawa ni Padre Picx. At malaking bagay din ito sa kasong isinampa ng International Criminal Court (ICC) laban sa nakaraang administrasyon. Sa halip na saklawin ng ICC ang mga nangyari lang sa mga unang taon ng termino ng nakaraang presidente (mula 2016 hanggang 2018), sinaklaw din nito ang mga taong nanungkulan ang dating pangulo bilang mayor ng Davao City.


At mabigat na batayan ang dokumentong naihanda ni Padre Picx dahil nakadagdag ito ng lalim sa mga nahalaw ng iba’t ibang grupo at indibidwal na di-makatarungang pagpatay sa mga nabansagang gumagamit o nagbebenta ng droga. Isa sa malakas na tinig laban sa EJK ay ang boses ni Padre Picx Picardal.


At dumagdag pa ang mga tinig ng ibang mga paring kaibigan ni Picx na nagkaroon din ng “death threats.” Naging mapanganib ang buhay ni Padre Picx kaya’t ito ay dali-daling lumipad patungong Roma. Tumigil sa Roma, Italya ng kulang dalawang taon si Padre Picx habang nagpapalamig dahil sa kanyang sunud-sunod na “death threat.” Nang medyo kumalma na ang kapaligiran, bumalik si Padre Picx at namahinga ito sa kanyang “hermitage” o bahay ng ermitanyo. Sa totoo lang, nagpasya na rin si Padre Picx na maging ermitanyo at piliing pumasok sa loob at tumanaw nang malayo para pag-isipan at pagdasalan ang mga nalalabing taon ng buhay.


Sa kanyang ermita (bahay ng ermitanyo) ginamit at sinamantala ni Padre Picx ang kanyang kakayahan at galing magsulat. Lumabas ang maraming isinulat ni Padre Picx sa CBCP Monitor (ang pahayagan ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines); sa Likas News, isang internasyonal na online pahayagan ng simbahan; at siyempre, madalas ding gumamit ng socmed ang naturang ermitanyong pari.

Nagbiro minsan ang isa sa aming mga kaibigan tungkol sa kanya, “Ermitanyo, ngunit alam naman ng lahat ang maraming nangyayari sa kanya sa ermita at mga plano niyang gawin sa labas nito.”


Sa kanyang tula tungkol sa kanyang pagiging ermitanyo, nasulat ng pari ang ibig sabihin ng pagiging ermitanyo. “Ngayon tumitingin ako sa loob at sa malayo upang tingnan ang hindi karaniwang nakikita dahil hindi tinitingnan. Hindi ko na ginagawa ang dati kong ginagawa dahil tinanggap ko nang hindi naman ako ang gumagawa ng lahat ng iyon. At ngayon, ang buong buhay ko ay laan sa paghahanap, pakikinig at pagsunod na may gawa ng lahat. Hindi ko na alam kung kelan at paano ako lilisan sa mundong ito. Alam ko lang ang saan. Malamang dito sa aking ermita. Sa kanya ko isinusuko ang lahat-lahat. Handa na ako para sa kanya.”


At kinuha na nga siya ng Maylikha ng lahat. Tiyak na matutupad din ang isang isinulat ni Padre Picx sa kanyang tula, “Basta’t nagtanim, nagpunla lamang ako ng mabubuting binhi. Alam kong yayabong ang mga ito at sana’t maraming umani at makinabang sa magagandang bungang ibibigay ng mga ito.” 


Paalam, salamat. Panalangin para sa iyo, mahal naming Picx. Pakiusap at panalangin din para sa aming hindi pa tapos ang paglilingkod at paglalakbay. Amen!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page