top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Paalam at salamat sa dalawang batikang brodkaster

BULGAR
Oct 7, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 7, 2022


Dalawang magkasunod na pangyayari ang gumulantang sa atin dahil sa biglaang pagkamatay ng dalawang broadcast journalist na kapwa malapit sa atin dahil madalas ay kinakapanayam tayo sa kani-kanilang programa.


Ito ang naganap na pagpaslang kay Percy Lapid, isang batikang broadcaster na malapit na malapit sa akin dahil madalas akong nitong ini-interview sa kung anu-anong isyu sa kanyang programa.


Si Percy na Percival Mabasa ang tunay na pangalan ay hard-hitting broadcaster sa kanyang programa sa DWBL 1242 at napakarami rin ng tagasubaybay nito sa kanyang Youtube channel.


Namatay siya matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang magkaangakas sa motorsiklo nang bumaba ito saglit sa kanyang sasakyan habang papauwi ito sa Las Piñas City noong Lunes ng gabi.


Nasa 63-anyos lamang si Percy at nakatira ito sa 26 San Beda Homes, Talon 2, Las Piñas City at galing umano ito sa kanyang online broadcast ng programa niyang ‘Percy Lapid on Fire’ bago naganap ang krimen bandang alas-8:30 ng gabi.


Mismong si Percy umano ang nagmamaneho ng kanyang itim na Toyota Innova na may plakang NGS 8294 at papasok na sa gate ng BF Resort sa Aria St., Barangay Talon 2 ng nasabi ring siyudad nang bigla umano siyang banggain ng isang puting Toyota Fortuner kaya siya tumigil.


Siyempre napilitan siyang bumaba para tingnan ang tama ng kanyang sasakyan at mula sa pagkakataong ito ay agad na sumulpot umano ang dalawang salarin na lulan ng motorsiklo at agad na pinagbabaril si Percy ng malapitan bago mabilis na tumakas.


Habang isinusulat ko ang artikulong ito ay may mga sinusundan na umanong ‘lead’ ang pulisya at dalawang basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen ngunit wala pa ring pagkakakilanlan sa mga salarin.


Hindi ordinaryo ang pangyayaring ito kaya maganda ang ginawang kautusan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brig. Gen. Jonnel Estomo sa Las Piñas PNP na iresolba ang naturang kaso sa loob ng 24-oras.


Maging si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (PBBM) ay nagbigay ng ultimatum na kailangang maresolba ang naturang pagpatay sa loob ng linggong ito upang mapanagot sa batas ang mga salarin at kung sino ang nasa likod ng naturang krimen.


Pero kung lalagumin natin ang mga pangyayari ay ilan lang naman ang posibleng dahilan kaya may pinapatay na media; una ay nais patahimikin para tumigil na sa pagbanat, ikalawa ay posibleng may nasagasaang malaking sindikato at nasakote ang operasyon kaya nais gumanti.


Kung may iba pang mang motibong personal para paslangin ang isang mamamahayag ay hindi naman ito ikinukonsiderang numero unong dahilan kaya isinasaisantabi na muna ito o hindi prayoridad sa pagsasagawa ng imbestigasyon.


Hindi pa man din ako nakakarekober sa pagkamatay ni Percy ay heto naman si Ka Rene Jose, isa ring batikang broadcaster na malapit na malapit sa atin ang binawian na rin ng buhay noong Miyerkules lamang ng alas-6: 00 ng umaga.


Si Ka Rene ay beteranong radio broadcaster at commentator na may programang Doble-Banda na dating regular na napapakinggan sa DWIZ 882 mula alas-5: 00 hanggang alas-6: 00 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes.


Napakarami na ring istasyon ang pinanggalingan ni Ka Rene, dahil nakasama rin ito sa ilang TV program ng UNTV, partikular ang Good Morning Kuya at sa mahabang panahon ay araw-araw itong nagbibigay ng mga komento ay maghatid ng balita tuwing umaga.


Dati rin itong DZBB radio announcer at naging councilor ng First District ng Manila City at kilala ito sa sipag at pagiging matulungin hanggang sa tuluyan na itong kunin ng Maykapal dahil sa sakit na asthma sa edad na 78.


Marami ang nalungkot sa pagpanaw ni Ka Rene at inilagak ang kanyang labi sa Dulce Funeral Homes sa Jose Abad Santos, Tondo, Manila, kung saan napakaraming kaibigan sa industriya ng pamamahayag ang nakidalamhati sa beteranong broadcaster.


Masyado lang akong naapektuhan dahil sina Percy at Ka Rene ay pareho pang dumalaw sa akin sa loob ng PNP Custodial Center sa Camp Crame noong ako ay nakaditine pa bago pa ako napawalang-sala.


Bagama’t magkahiwalay na pagkakataon ay pareho silang namalagi ng mahabang oras at pareho rin silang nagsasabi na biktima lamang ako ng maruming pulitika ng mga panahong iyon.


Masakit sa akin ang nangyari sa kanila dahil dalawa sila sa maraming tagasuporta ang nagparamdam sa akin ng pagmamalasakit at noon pa man ay alam nilang wala talaga akong kasalanan na pinatotohanan naman ng Sandiganbayan.


Kaya nakakalungkot ang pagpanaw ni Ka Rene at nakakagalit naman ang pangyayari kay Percy—dalawang broadcaster na malapit na malapit pa naman nating kaibigan at hanggang sa kampanya ay may pagkakataong sumasama sila para sa coverage.


Sa pamilya ng dalawang kaibigan kong ito ay buong puso kong ipinaaabot ang aking pakikiramay at ang kawalan ninyo ay kawalan ko rin na habang panahon kong hindi malilimutan lalo na ang paglalaan nila ng kanilang buhay para sa pamamahayag.


Paalam at maraming salamat sa dalawang batikang mamamahayag na sina Ka Rene at Percy. Mami-miss ko kayo!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page