top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Paaak! Ganern?! IAN, MAS TINILIAN SA MMFF PARADE OF STARS KESA KAY COCO

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 23, 2022
2 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 23, 2022




Nakakatuwang makita na mainit ang naging pagtanggap ng mga fans sa nakaraang Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival last Wednesday na ginanap mula sa Welcome Rotonda hanggang sa QC Circle.


Kesehodang nagkaroon ng panandaliang traffic sa kahabaan ng Quezon Avenue dahil sa mga floats ng walong entries sa MMFF, magandang senyales pa rin ito na bumalik na ang interes ng madlang pipol sa mga pelikulang Pilipino at maging sa mga local showbiz celebrities natin.


Simple man ang mga floats ng mga pelikulang kasali sa festival ngayong taon, still, kudos to them dahil halatang pinaghandaan at nag-effort naman sila para matawag ang pansin ng mga kababayan natin na tangkilikin ang kanilang mga pelikulang ipapalabas sa Dec. 25.


Una sa 8 floats na pumarada ang Family Matters kung saan nakita naming nakasakay ang tatlong bidang aktres na sina Mylene Dizon, Agot Isidro at Nikki Valdez.


Bagama't hindi na nakasama ang mga mismong bida na sina Noel Trinidad at Liza Lorena, mauunawaan mo naman dahil sa kanilang edad na parehong senior na.


Para naman sa Labyu with an Accent, present sina Coco Martin at Jodi Santamaria sa float.


Napansin lang namin na mas malakas yata ang naging sigaw ng mga fans at kilig na kilig sa bida ng Nanahimik ang Gabi na si Ian Veneracion (na kasama sa float si Heaven Peralejo na leading lady niya) kesa kay Coco Martin, ha?


Hindi ba nila na-miss si Cardo Dalisay o pinagsawaan nang panoorin sa loob nang ilang taon?


Magkasama naman sa float sina Vice Ganda at Ivana Alawi para sa kanilang Partners in Crime, pero ewan lang namin kung totoong happy silang magkasama dahil may isyung may gap daw ngayon ang mga bida ng movie, ha?


Hindi rin masyadong malakas ang sigawan kay Nadine Lustre ng Deleter. Pero inisip na lang namin na baka kasi mas malakas sana ang impact nila kung magkasama sila ng ex-boyfriend at ex-love team niyang si James Reid. Siyempre, mas may kilig naman talaga kapag sila ang magkasama.


Sina Jake Cuenca at Sean de Guzman ng My Father, Myself ang nakita naming inaabangan lalo na ng LGBT members at talagang isinisigaw ang pangalan ni Jake dahil sa kanyang role na gay lawyer sa movie.


Wala naman kaming nakitang main cast ng Mamasapano: Now It Can Be Told na kasama sa float.


Hinanap namin sina Edu Manzano at Aljur Abrenica pero wala sila sa float.


Nagtataka tuloy kami ngayon kung bakit parang hindi nagpo-promote ang mga bida ng movie ni Atty. Ferdinand Topacio dahil kahit nu'ng mga unang presscon at sa premiere night, wala rin si Edu, habang umiwas naman daw magpa-interview si Aljur.


Para sa My Teacher, si Joey de Leon lang ang kulang sa cast, pero present si Toni Gonzaga, sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte at maging ang iba pang kasama sa movie.


Anyway, wish lang namin ay dumugin ang MMFF this year nang sa gayon, maging masigla na uli ang ating movie industry.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page