top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

P89-B illegal drugs, nasabat ng Duterte administration

BULGAR
Jun 8, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 8, 2022


Ang anim na taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtatapos ngayong ika-30 ng Hunyo ay isinasara niya sa pamamagitan ng babala laban sa mga drug smugglers na mananatili pa rin siyang kalaban ng mga ito.


Sa dinami-rami ng kanyang inihabilin sa bagong-halal na pangulo ng bansa na si Ferdinand Marcos, Jr. (P-BBM), isa ay ang patuloy na pakikipaglaban sa bawal na droga na dapat bigyang-diin at seryosong ipagpatuloy.


Hindi man perpektong naipatigil ang ilegal na droga dahil sa tindi ng mga sindikatong nasa likod ng operasyon nito ay ipinakita ng administrasyong Duterte ang kanyang pangil para labanan ang mga drug smuggler sa bansa.


Sa katunayan ay umabot sa mahigit sa P89.29 bilyong pisong halaga ng ipinagbabawal na ilegal na droga ang nasabat sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula nang ipatupad ang Duterte administration ang crackdown laban sa ilegal na droga umpisa noong kalagitnaan ng 2016.


Sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), hanggang Abril 30 ay umabot na sa P76.55 bilyong pisong halaga ng shabu ang kanilang nasabat na kung hindi naagapan ay malamang milyong kabataan at Pilipino malamang ang nabiktima.


Winasak ng mga awtoridad ang may 8,177.79 kilograms (kg) ng shabu, 4,226.08 kg ng marijuana, 21.93 kg ng ecstasy, 534.20 kg ng cocaine at 3,483.67 kg ng iba pang klase ng ipinagbabawal na gamot.


Umabot sa kabuuang bilang na 1,156 drug dens at 19 na malalaking shabu laboratories ang nadiskubre at tuluyan nang winasak mula Hulyo 2016 hanggang Abril ng taong kasalukuyan.


Nasa 15,096 high-value targets (HVTs) sa buong bansa ang nasakote; 6,768 HVTs mula sa malalaking operasyon; 4,043 target-listed suspects; 1,670 drug den maintainers; 797 drug group leaders/members; 529 government employees; 402 elected officials; 364 foreigners; 295 kabilang sa wanted lists; 126 uniformed personnel; 78 armed group members; at 24 na kilalang mga personalidad.


Hindi pa kabilang d’yan ang 341,494 indibidwal na nasakote sa iba’t ibang pagkakataon na sangkot din sa ipinagbabawal na gamot na aksidenteng nadiskubre lamang sa mga checkpoint at ibang insidente ng panininita na humantong sa kanilang pagkaaresto.


Nasakote rin ang may 4,372 menor de edad kabilang ang 2,635 pushers; 1,004 possessors; 453 users; 246 bisita sa drug den; 10 drug den maintainers; 18 drug den employees; three cultivators, one lab employee; at dalawang runner.


Ang mga nasakoteng menor-de-edad ay agad dinala sa Bahay Pag-asa reform center ng lokal na pamahalaan matapos ang proseso sa korte at sumailalim sa kustodiya ng pulisya sa loob ng walong oras bago naman dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Ang magandang resulta nito ay umabot sa 25,061 mula sa 42,045 villages ang idineklara ng drug-cleared; 6,574 ang drug unaffected/drug-free; at 10,410 ang malapit na pero hindi pa naidedeklarang malinis na sa bawal na gamot.


Sa kabuuang pinagsama-samang ulat ng iba’t ibang operatiba sa bansa ay lumalabas na nasa 6, 248 suspek ang nasawi sa gitna ng 236,620 anti-illegal drug operations na isinagawa ng administrasyong Duterte.


Kung saglit nating lingunin ang mga nagdaang administrasyon ay makikita nating napakalayo ng narating ng kasalukuyang administrasyon kung pagsugpo sa bawal na gamot ang pag-uusapan at hindi rin naman maitatangging marami pa rin ang nakalulusot.


Kaya nga si P-BBM na mismo ang nahayag sa publiko na mariing pakiusap umano ni Pangulong Duterte ay ang ipagpatuloy o mas pag-ibayuhin pa ang paglaban sa ilegal na droga.


Hindi umano nagbigay ng kahit anong paraan si Pangulong Duterte kay P-BBM kung paano itutuloy ang paglaban sa bawal na droga at sa halip ay nagbilin umano na gawin nito ang kanyang sariling estilo, basta’t huwag lumala ang sitwasyon.


Nakakaantig na hanggang sa mga huling sandali sa Palasyo ni Pangulong Duterte ay ang kapakanan pa rin ng mga kabataan ang kanyang iniisip na ayaw niyang masira ang pag-iisip dahil sa pagkalulong lamang sa bawal na gamot.


Alam naman nating kabi-kabilang batikos ang inabot ng administrasyong ito mula sa iba’t ibang sektor, lalo na sa international community dahil sa mainit na pakikidigma nito laban sa ilegal na droga, ngunit kailan man ay hindi natinag ang pamahalaang Duterte.


Ngunit ang magandang resulta ng kampanyang ito ay napakalaki ng ibinaba ng krimen at maraming mga kababayan natin ang napawi ang takot na maglakad sa kalye kahit gabi dahil sa nawala ang mga lulong sa ilegal na droga na nakahambalang sa kalye.


Maging ang Commission on Human Rights (CHR) ay hindi natinag ang paninidigan ni Pangulong Duterte at tuloy ang katuwirang para sa bayan umano ang lahat ng pagsisikap na ito ng kasalukuyang pamahalaan.


Marahil ay ito rin ang dahilan kaya hanggang sa huli ay pinakamataas pa rin ang trust rating ni Pangulong Duterte na hindi nangyari sa kasaysayan ng mga nagdaang Pangulo sa bansa.


Kaya kay Pangulong Duterte, lubos na nagpapasalamat ang buong sambayanan sa inyong ipinakitang tapang at dedikasyon na labanan ang bawal na gamot. Maraming-maraming salamat!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page