P85 taas-sahod, ipaglalaban ni PBBM
- BULGAR
- 10 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | August 4, 2026

Photo: Hinarap mismo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino si Atty. Luke Espiritu, lider ng grupong Buklurang Manggagawang Pilipino (BMP) sa kalagitnaan ng kilos-protesta sa harap ng tanggapan sa Maynila kaugnay sa pagpapatigil ng Pasig RTC sa P85 umento o karagdagang suweldo. (Jeff Tumbado)
Idinepensa ng Malacañang ang implementasyon ng P85 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) matapos harangin ng Temporary Restraining Order (TRO) ng korte ang pagpapatupad ng wage order.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, naghahanda na ang pamahalaan ng mga dokumento at pagtutol kaugnay ng naturang usapin, habang iginagalang pa rin aniya ang kapangyarihan ng korte.
“Sa ngayon po ay mayroon na pong ginagawa po na dokumento at pagtutol. Although of course iginagalang natin ang lahat ng korte, pero ang pamahalaan, ang administrasyon ay mayroon naman din pong karapatan na ihayag kung ano ang nararapat para sa ating mga kababayan at sa ating mga manggagawa,” ani Castro.
Aniya, sa pananaw ng pamahalaan, ang dapat na naging remedyo ng sinumang may pagtutol sa wage order ay ang paghahain ng apela sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) at hindi agad paglapit sa korte.
Ayon pa sa Palace official, handa ang Office of the Solicitor General (OSG) na ipaglaban ang wage order na naglalayong magbigay ng dagdag na kita sa mga manggagawa sa NCR.
“So, anyway, ang Office of the Solicitor General ay ready naman po na ipaglaban po ang wage order na naipasa po para sa ating mga manggagawa.”
Tinanong naman si Castro kung inaasahan ng Palasyo na maisasagawa na ang P85 wage increase matapos ang 20-araw na bisa ng TRO na matatapos umano sa Agosto 13.
Hindi umano siya maaaring magbigay ng katiyakan o manghula sa magiging susunod na hakbang ng korte at ng OSG.

