P6 bilyon sa tao vs. AI
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | September 2, 2026

Photo: Ernst & Young (EY) Global Limited Headquarters sa London. Reuters-Maja Smiejkowska
Habang patuloy na pumapasok ang artificial intelligence (AI) sa iba’t ibang trabaho, magbibigay naman ang Ernst & Young (EY) ng aabot sa $100 milyon (P6B) na bonuses sa mga empleyadong magpapakita ng mga kasanayang hindi madaling mapalitan ng teknolohiya.
Kabilang sa mga bibigyang-halaga ng kompanya ang leadership, mahusay na paghusga, business acumen, pakikipagtulungan at kakayahang makibagay sa pagbabago. Kasama rin sa reward system ang paggamit at pagtanggap sa mga bagong teknolohiya.
Ayon kay Dante D’Egidio, EY Americas CEO at U.S. managing partner, kailangan ang matatag na pamumuno dahil sa bilis at pagiging komplikado ng mga pagbabagong nararanasan ng industriya.
Bahagi ng malaking investment ang bonus program sa plano ng EY na bumuo ng workforce na kayang pagsabayin ang teknolohiya at kakayahan ng tao. Layunin din nitong makakuha at mapanatili ang mga talentong makatutulong sa tinatawag nitong “tech-led, human-powered world.”
Samantala, nagbabala ang mga ekonomista na maaaring mawala ang ilang trabaho dahil sa AI, partikular ang mga paulit-ulit at entry-level na gawain. Kasabay nito, maaari ring lumikha ang teknolohiya ng mga bagong oportunidad sa trabaho.
Giit ng mga eksperto, mas nanganganib maiwan ang mga manggagawang hindi matututong gamitin ang AI bilang katuwang para mapabilis at mapahusay ang kanilang trabaho.
Sa hakbang ng EY, habang lumalakas ang AI, hindi lang bilis at teknolohiya ang puhunan—mahalaga pa rin ang kakayahan ng tao.





Comments