P50-K multa at 12 taong pagkakakulong sa magpe-perform o masasangkot sa child marriage
- BULGAR

- Nov 12, 2020
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 12, 2020
May dalawang mahalagang panukalang-batas na ipinasa ng Senado sa third and final reading noong Lunes.
Isang karangalan na maging isa sa mga co-author ng mga panukalang-batas na ito na inaasahan nating tutulong sa pagtugon sa ilang isyung matagal nang hinaharap ng mga kababayan natin.
☻☻☻
Ang Senate Bill No. 1373 o Girls Not Brides Act ay naglalayong ipagbawal ang child marriage sa bansa at konsiderahin itong “public crime.”
Kapag naisabatas ito, papatawan ang sinumang mag-aayos ng child marriage ay papatawan ng parusang prision mayor sa medium period nito at hindi bababa sa P40,000.
Kung ascendant, stepparent, o guardian naman ng bata ang may-sala, aabot sa 12 taong pagkakulong, kasama ang hindi bababa sa P50,000 at pagtanggal ng parental authority, ang parusa.
Ang mga tao namang magpe-perform o officiate ng formal rites para sa child marriage ay paparusahan ng prision mayor medium period at hindi bababa sa P40,000 multa. Magiging perpetually disqualified ang officiator kung sila ay pampublikong opisyal.
☻☻☻
Ang Senate Bill No. 1094 ay naglalayong itaas ang teaching supplies allowance ng mga public school teacher mula sa kasalukuyang P3,500 sa hanggang P10,000 sa susunod na apat na taon.
Matagal nang hinaing ng ating mga guro ang kakulangan ng teaching supplies allowance para sa kanilang pangangailangan. Lumabas sa mga pagdinig ng bill na ito na marami pa ring out-of-pocket expenses ang ating mga guro sa kabila ng pagkakaroon ng allowance.
Sa ilalim ng panukalang-batas na ito, tataas ang allowance sa P5,000 para sa school year 2021-2022; P7,500 sa 2022-2023 at 2023-2024; at P10,000 sa 2024-2025.
Naging staggered ang pagtaas ng allowance para masigurong kayang sustentuhan ng pamahalaan ang increase.
Inilahad ni Sen. Sonny Angara na chair ng Senate finance committee na naisama na ang pondo para sa P1,500 increase sa panukalang 2021 national budget bagama’t hindi pa napasa ang counterpart bill sa House of Representatives.
☻☻☻
Umaasa tayong magpapasa na rin ang House of Representatives ng counterpart measure ng mga panukalang-batas na ito at maisumite sa pangulo para sa kanyang pirma.
Malaki ang maitutulong ng mga batas sa paglunas sa mga nakikita nating problema.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments