P5 bilyong pondo para sa mga nalindol
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 5, 2022
Araw-araw ay nagbabago ang mga detalye hinggil sa 7.3-magnitude earthquake na tumama sa lalawigan ng Abra noong Hulyo 27, ngunit ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay umabot na sa 48,477 ang kabuuang bilang ng mga kababayan nating nasalanta sa Cordillera at Ilocos Regions.
Dahil dito ay naghain ako ng panukalang batas na naglalayong maglaan ng pondong nagkakahalaga ng P5 bilyon para sa relief, reconstruction at rehabilitation ng siyudad, munisipalidad at lalawigan na naapektuhan ng nagdaang lindol.
Umabot pa nga sa kabuuang bilang na 44,889 ang IDPs (internally displaced person) na kasalukuyang nagka-camping sa mga open spaces na kinakandili ng kani-kanilang kaibigan o kaanak habang nasa 3,588 naman ang pinagsama-sama sa 38 evacuation centers.
Ang lalawigan ng Abra ang may pinakamaraming bilang ng IDPs na halos 98 porsyento ng kabuuang bilang ay sa kanilang lugar nanggaling at ang masakit ay umabot na sa 10 ang naiulat na nasawi at 375 ang nagtamo ng sugat at bali sa iba’tibang bahagi ng katawan.
Iniulat din ng disaster authorities na umabot sa 24,547 at 177 health facilities ang nawasak hindi pa kabilang ang 263 paaralan na nagtamo ng mga pinsala at nasa 1,157 classrooms ang kumpirmadong nawasak dahil sa lakas ng lindol.
Malaking pinsala rin ang pagkawasak ng mga imprastrukturang pang-agrikultura, tulad ng irrigation systems, farm-to-market roads at farm structures na labis na nakaapekto sa tone-toneladang gulay mula sa Cordillera region.
Ang mga gulay na araw-araw ipinagbibili sa Metro Manila at sa ibang bahagi ng bansa ay hindi kasing bilis ng dati ang pagbibiyahe dahil maraming kalsada ang nawasak at hindi talaga madaanan ng maayos.
Kaya sobrang bigat talaga ng kinahaharap nating problema dahil unang-unang kailangang bigyan ng prayoridad ang mga construction materials para masimulan na ang rehabilitasyon ng mga nawasak na kabahayan.
Kailangan kasing mailagay sa mas ligtas na lugar ang mga pamilyang nasa tent lamang dahil sila ang mas nakararamdam kapag nagkakaroon ng sunud-sunod na aftershocks at dapat mailipat sila sa permanenteng lugar upang maibsan ang kanilang nararanasang pangamba.
Problemado rin ang lokal na pamahalaan na walang tigil din sa pakikipag-ugnayan sa national government para sa karagdagang relief items, tulad ng pagkain at iba pang pangangailangan tulad ng hygiene kits, blankets, mosquito nets, sleeping maps at kitchen sets.
Kailangan din ng mga medical supplies, basic at maintenance medicine, nutrition commodities at iba pang pangangailangan para naman matugunan din ang pinangangambahang pagtaas ng COVID-19 dahil sa hindi na nasusunod ang minimum public health standard.
Maging ang patuloy na monitoring at testing sa kalidad ng tubig na iniinom ng mga naapektuhan ng lindol ay kailangang masigurong ligtas lalo na ‘yung mga nasa evacuation center.
Hindi rin biro ang mahigit sa dalawang libong aftershocks na naranasan sa loob lamang ng limang araw matapos ang unang lindol na nagdulot ng takot sa marami nating kababayan, lalo na sa mga bata na kailangang isailalim pa sa atensyon medikal.
Ilan lang ito sa mga pangunahing suliranin na dapat bigyang-prayoridad kaya isinulong natin itong panukala na tinawag nating ‘Namnama Fund of the North of 2022’ na ang tanging adhikain lamang ay makatulong sa mga naapektuhan ng lindol.
Ang Namnama ay isang Ilocano term na ang ibig sabihin ay ‘pag-asa’ upang palakasin ang loob ng ating mga kababayang tinamaan ng lindol upang matulungan silang maisaayos ang komunidad at maibalik ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng probisyon sa supplemental appropriation.
Tinatayang aabot ang pinsalang dulot ng pinakahuling lindol sa P414,228,000, kung saan maraming government facilities, flood control, bridges, health facilities, roads, schools, cultural heritage sites at utility service facilities ang grabeng nasira.
Maging ang Department of Education (DepEd) ay naglabas ng ulat na aabot ng P1.48 bilyon ang tinatayang gastos sa rehabilitasyon ng 263 paaralan na nasira at 451 na grabeng nawasak na silid-aralan at iba pang pasilidad.
Inihayag din ng Department of Agriculture na ang magiging gastos sa mga nawasak na mga irigasyon ay aabot sa P6.97 milyon habang P4.53 milyon naman ang dapat ubusin para maisaayos ang mga nawasak na farm structures.
Grabe ang pinagdaanan ng ating mga kababayan sa Norte at kung hindi tayo magtutulung-tulong ay hindi mapadadali ang kanilang pagbangon kaya mahalagang maisabatas ang P5 bilyong pondo na dapat pakinabangan sa lalong madaling panahon ng mga biktima ng lindol.
Sabi nga, kung sama-sama ay kayang-kaya, tapos ang problema!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.co





Comments