top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

P4.5 trilyon nat’l budget, nakatutok sa usaping pangkalusugan at kalamidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 14, 2020
  • 3 min read

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 14, 2020



Nitong Martes, sinimulan natin bilang chairman ng Senate committee on finance, ang pag-sponsor sa P4.5 trilyong national budget para sa taong 2021.


Ito rin ang hudyat nang pagsisimula sa mga pagdedebate, pagdinig, maigting na pagbusisi at interpelasyon ng ating mga kasamahan sa Senado bago aprubahan ang naturang budget.


Ito kasing pambansang pondo, hindi ito simpleng bagay lang. Kailangan itong dumaan sa masinsinang pag-aaral. Kumbaga, dapat lang na dumaan muna sa butas ng karayom para masigurong walang lusot ang mga anomalya.


At ang nilalaman ng pambansang budget, iba’t ibang prayoridad na pinangungunahan ng usaping pangkalusugan. Nariyan ang mga hakbang na dapat gawin at pondohan ng gobyerno upang maitawid ang sambayanan sa hagupit ng COVID-19 sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Pinakamatindi ang idinulot nitong pinsala sa kalakanan o negosyo kaya’t nanamlay nang tuluyan ang ating ekonomiya.


Maraming trabaho ang nagsara o kaya nama’y nagbawas ng mga manggagawa at oras ng operasyon, tulad ng mga hotel, pabrika at restaurant. Sandamakmak na manggagawang Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay, kabilang na ang mga nagsiuwiang OFWs na apektado ang trabaho sa mga bansang kanilang kinaroroonan dahil sa COVID-19. Ang nakalulungkot, ‘yung mga breadwinner ng pamilya, kabilang sa mga nawalan ng trabaho. Ito ngayon ang isa sa malalaking problema natin.


At dati, ‘pag buwan nang Hunyo, excited ang mga mag-aaral sa pagpasok. Maririnig mo ang ingay ng mga bata habang papasok sa kani-kanilang paaralan — pero ngayon, tahimik ang mga establisimyentong ito dahil halos lahat, nasa online classes.


Laman ng pambansang budget ang lahat ng hakbang at paraan upang maresolba ang mga kinahaharap nating problem sa ngayon. Malaki ang pasalamat natin sa bagong Speaker of the House na si Cong. Lord Allan Velasco dahil sa agaran nilang pagpapasa sa General Appropriations Bill na nakarating sa atin sa Senado sa takdang panahon.

Dahil riyan, tayo, kasama ng ating mga kapwa senador ay nagkaroon ng sapat na panahon upang mapag-aralan ang isinumiteng GAB ng Mababang Kapulungan at ngayon ay masusi na nating binubusisi sa Senado.


Kabuuang P4.506 trilyon ang inihatag na budget para sa 2021, kasama riyan ang P3.263 trilyon na new appropriations at P1.419 trilyong automatic appropriations. Sa ilalim ng pambansang pondo, mananatili ang pagpapatupad sa flagship initiatives ng gobyerno tulad ng 4Ps at ang Build, Build, Build.


Malaking bahagi ng ating recovery program ngayong taon ay nailagak sa Bayanihan Laws 1 and 2 na naglalayong mas mapalakas ang ating healthcare system at para mabigyang suporta ang ating frontliners. At sa ilalim ng 2021 national budget, mas paiigtingin pa ng gobyerno ang aksiyon para sa mga ito.


Tinatayang P16.6-B ang alokasyon sa Human Resources for Health o HRH ng DOH na gagamitin sa pag-empleyo ng health workers at para sa kani-kanilang suweldo at benepisyo. Halagang P2.7-B naman ang inilaan para sa pagbili ng mga karagdagang PPEs para sa ating frontliners.


Nais din nating papurihan ang ating mga kasamahan sa Kamara dahil sa kanilang inisyatibong dagdagan ang alokasyon para sa pagbili ng bakuna kontra COVID. Mula sa orihinal na P2.5B, itinaas nila ito sa P5.5-B. At upang matiyak na lahat tayo ay makikinabang sa COVID-19 vaccine, naglaan din ang ating komite sa Senado P10-B mula sa unprogrammed appropriations na nakalaan lamang sa pagbili ng bakuna.


At para sa mga nasalanta ng sunud-sunod na bagyo, tulad ng mga kababayan natin sa Kabikulan at iba pang bahagi ng Luzon at Visayas, dinagdagan ng ating komite ang NDRRM fund. Kapag idinagdag ito sa quick response funds ng iba’t ibang ahensiya, mas malaki ang nakatabing pondo para sa mga kalamidad sa 2021 kaysa ngayong taon at nang mga nakalipas na taon.


Ang dasal lang natin, sana ay patuloy na ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at mabigyang-tulong ang mga kababayan nating naapektuhan ng karamdamang ito, gayundin ang mga kababayan nating sinalanta, sasalantain at patuloy na sinasalanta ng iba’t ibang kalamidad.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page