P300 Bilyon nasayang dahil sa pekeng resibo
- BULGAR
- Aug 18, 2023
- 4 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 18, 2023
Tiyak ako sa inyong naramdaman nang ibunyag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nawalan ang ating bansa ng mahigit sa P300 bilyon dahil lang sa ‘ghost receipt’ sa loob ng mahigit 20 taon.
Katulad ko, malamang ay dalawang magkaibang reaksyon ang pumasok sa ating isipan — una ay natuwa ako dahil sa kahit paano ay nadiskubre na ang napakatagal nang sistemang ito na labis na pinagpapasasaan ng maraming nais magpalusot sa pagbabayad ng buwis. Pero sa kabilang banda naman, nakakagalit ang ginawang pansasamantala ng mga negosyong ito.
Napag-alaman natin na hanggang sa kasalukuyan ay umiiral ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga gumagamit ng ghost o pekeng resibo at bukod sa mga nadiskubreng gumagamit nito ay may mga bago pang hindi akalaing nagpapalusot ang nadiskubre.
Nabatid na santambak na kaso na ang isinampa sa mga natuklasang gumagamit ng mga pekeng resibo at nakatakda magsampa ang BIR ng sunud-sunod pang kaso sa mga bago pang nadiskubre.
Inihayag mismo ng BIR na kung ang kabuuang halaga ng mga ginamitan ng pekeng resibo hanggang sa kasalukuyan ay aabot ng P1.3 trillion na hahatiin sa 25% income tax at 12% value-added tax, ay magreresulta ang halaga sa P370 bilyon.
Dahil umano sa paggamit ng mga pekeng resibo, at kung susumahin ang kabuuang halaga ng binili, idagdag ang VAT at ang income tax na aabot nga sa P370 bilyon ay ito ang lalabas na nawawala sa BIR.
Ayon mismo sa BIR, ang problema sa ghost receipts ay napakatagal nang umiiral at hindi lamang ito 20 taong nangyayari sa lahat ng iba’t ibang tanggapan sa buong bansa na kinasasangkutan ng iba’t ibang sektor.
Alam ba ninyo na mahigit sa 100 ‘ghost corporations’ ang sadyang binuo na ang pinagkakakitaan ay magbenta lamang ng ghost receipts at ang mga resibo na inisyu ng nabanggit na bogus na korporasyon ay upang manloko o magpalusot lamang sa mga transaksyon.
Ang nakakainis pa, nadiskubre ng BIR na ang mga ghost corporation na ito ay rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at kumpleto ng dokumento para makapagpatakbo ng isang tunay na kumpanya.
Bagama’t totoo ang korporasyon ay wala silang lehitimong produkto o serbisyo na ipinagkakaloob sa kani-kanilang customer dahil ang pinagkakakitaan lamang nila ay magbenta ng mga resibo sa mga lehitimong negosyo.
Ang mga resibong binili ng mga lehitimong negosyante o kumpanya ay ginagamit naman upang makapagsumite sa BIR ng mga pekeng gastusin na ang tanging layunin ay upang mabawasan ang kanilang income tax at VAT na suportado ng mga mukhang legal pero peke palang transaksyon.
Nitong nakaraang Hunyo, ay tatlong malalaking kumpanya ang sinampahan ng kaso ng BIR dahil sa umano’y tax evasion dahil natukoy na positibong nagsumite ang mga ito ng ghost receipt upang mapababa ang kanilang bayarin sa buwis.
Kasunod nito, apat na ghost corporations din ang sinampahan nila ng criminal complaints dahil sa napatunayan ng BIR na nagbebenta ang mga ito ng pekeng resibo sa ilang lehitimong negosyante upang matakasan ang kani-kanilang bayarin sa buwis na nagkakahalaga ng P25.5 bilyon.
Kahit matagal nang umiiral ang pandaraya ng maraming negosyante sa pagbabayad ng buwis ay mahalagang mabatid na tukoy na ng BIR kung paano ang sistemang ginagawa ng mga negosyante.
Medyo nakapanghihinayang lamang dahil sa umabot pa ng halos 20 taon bago tuluyang mapanagot ang mga kumpanyang mandaraya sa buwis na gumagamit ng mga pekeng resibo.
Hindi lang naman mga negosyante ang gumagawa ng pamemeke dahil maging ang mga nasa pamahalaan mismo ay maraming insidente na nagsusumite ng pekeng resibo sa Commission on Audit (COA) upang maipakitang nagastos ang budget na ibinigay sa kanila.
Kung sa mga malalaking kumpanya ay may nagbebenta ng mga tunay na resibo ngunit walang pisikal na opisina ay malaking bahagi naman ng pekeng resibo ay nanggagaling sa kahabaan ng Recto, Manila na lantaran ang pagbebenta ng resibo at meron pang made to order sa loob lamang ng ilang minuto.
Marami nang pulis ang naitalaga para maging hepe ng nakakasakop na istasyon sa kahabaan ng Recto hanggang Quiapo, Manila, ngunit wala kahit isa ang tuluyang nakapagpatigil sa operasyon ng mga gumagawa ng pekeng dokumento.
May pagkakataon na nagsasagawa ng moro-moro ang ilang pulis na kunwari ay sinasalakay ang mga gawaan ng pekeng dokumento ngunit makaraan lamang ang ilang sandali ay bukas na naman at parang walang nangyaring nagbabalikan sa kani-kanilang puwesto.
Nabatid na sa kahabaan ng Recto, Avenida, Quiapo at ibang hindi kalayuang iskinita sa naturang lugar ay tinatayang mahigit sa 100 puwesto ang nag-aalok na gumagawa sila ng pekeng dokumento.
Hindi tayo nagbibintang kung bakit hanggang ngayon ay nananatili, talamak at lantaran ang kanilang operasyon ngunit kalakaran na ito sa ating bansa na kapag ang isang ilegal na operasyon ay umiiral, tiyak na may regular na tinatanggap ang mga dapat ay manghuhuli sa kanila.
Ang resulta -- hirap na hirap ang BIR para maabot ang target na dapat masingil sa mga nagbabayad ng buwis dahil sa nakakalusot ang pekeng resibo!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments