top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

P28 M sa white sand sa Manila Bay, sinayang lang...

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 6, 2020
2 min read

Ilang opisyal ng gobyerno, pinaiimbestigahan ni Sen. Kiko

ni Lolet Abania | November 6, 2020



Nanawagan si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan para sa isang imbestigasyon sa Senado kaugnay ng P389-million Manila Bay project kung saan gumamit ng dinurog na dolomite bilang white sand na ibinuhos sa gilid ng nasabing lugar dahil lumalabas na ang inisyatibong ito ay nasasayang lamang at may dalang panganib sa mga mamamayan.


“Napakaraming ibang dapat gastusan ng pera ng bayan, hindi ang white beach project sa Manila Bay. Lumampas na sa 380,000 ang COVID cases, marami nang dumaan na malalakas na bagyo, pero pinipilit pa rin na tama ito. Ang tanong: Kailangan ba talaga ito?” ayon sa pahayag ni Pangilinan ngayong Biyernes.


“This project is wasteful and unnecessary. Dapat ginamit ang milyun-milyong pondo para i-supplement ang ating pandemic health response, o kaya para sa distance learning gadgets at materials ng mga guro at estudyante. Puwede rin sanang cash aid para sa milyong mga Pilipino na nawalan ng trabaho ngayong pandemya,” dagdag ng senador.


Sa inihain ni Pangilinan na Senate Resolution No. 565, nakapaloob din dito ang tungkol sa pagpapanatili, legalidad at posibleng environmental at health hazards sa publiko na idudulot ng Manila Bay project.


Gayundin, nais ni Pangilinan na tingnan ang posibleng maging pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno at maaaring paglabag sa mga sumusunod na batas:

  • Local Government Code;

  • Philippine Fisheries Code;

  • Wildlife Conservation Act;

  • Environmental Impact Assessment System;

  • Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; and/or

  • Anti-Graft and Corrupt Practices Act.


“Hindi lang sa Manila Bay ang problema kundi pati na rin sa pagmimina ng mga dolomite sa Alcoy, Cebu na posibleng ikinasira ng mga coral reefs at pagkawala ng tirahan ng ilang endangered species. Sa madaling sabi, mas maraming problema pa itong dinala kesa solusyon,” sabi ni Pangilinan.


“Sayang ang pera, parang pinaanod lang sa dagat,” ayon pa sa kanya.


Samantala, dahil sa sunud-sunod na bagyo na tumama sa bansa, tinangay ng tubig ang ilang bahagi ng P28 million halaga ng dinurog na dolomite rocks na nakalagay sa baybayin ng Manila Bay, ayon sa lumabas na report.


Gayunman, patuloy ang ginagawang paliwanag ng

Malacañang at Department of Environment and Natural Resources (DENR) tungkol sa naturang proyekto.


Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu, ang pagsisikap na i-rehabilitate ang Manila Bay ay bilang tugon sa mandamus na inisyu ng Supreme Court (SC) sa gobyerno na linisin ang isang uri ng anyong tubig sa bansa.


Dagdag ni Cimatu, ang mga ginamit na dinurog na dolomite rocks ay hindi mapanganib at maaaring maka-treat sa pH level ng tubig na mula sa pagiging acidic nito ay maging alkaline.


Paliwanag pa ni Cimatu, ang pinagmulan ng pondo ay galing sa special purpose fund sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act na nakalaan sa rehabilitasyon ng Manila Bay.


Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maaaring kunin ng gobyerno ang pondong nakalaan na para sa Manila Bay “white sand” project at gamitin para sa COVID-19 response.


Gayundin, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya, ang nasabing proyekto ay inaprubahan ng Congress sa ilalim ng 2019 national budget, sumailalim sa competitive bidding, pumasa at in-award bago pa ang global pandemic.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page