Hindi pa napag-uusapan — Castro... Speaker Dy, palit kay VP Sara

ni Mylene Alfonso @News | October 16, 2026

Photo: Bodjie Dy at Inday Sara Duterte - FB
Hindi pa tinatalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibleng ipapalit kay Vice President Sara Duterte sakaling mahatulang guilty sa impeachment trial.
Ito ay kasunod ng mga napaulat na si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang posibleng pumalit bilang susunod na bise presidente sakaling ma-convict si Duterte sa impeachment trial.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nirerespeto ni Pangulong Marcos ang posisyon ng Bise Presidente.
“In fairness at pagrespeto na sa posisyon ng Bise Presidente, hindi po ito pag-uusapan at hindi pa po ito napag-uusapan. Hayaan nating gumulong ang proseso,” pahayag ni Castro sa briefing sa Palasyo.
“Respeto na lang. Kahit pa minsan-minsan ay hindi nagbibigay ng respeto ang iba pero ang Pangulo, nirerespeto ang posisyon ng Bise Presidente,” saad niya.
Binigyang-diin ni Castro na wala pang desisyon ang impeachment court at kailangan din munang hintayin ang paglalahad ng ebidensiya ng depensa.
“Wala pa pong nangyayaring pagdedesisyon ang impeachment court, so hindi po ito napag-uusapan,” dagdag ni Castro.





Comments