top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

P21-M jackpot sa lotto, nakubra ng mananahi mula sa Taytay, Rizal

  • BULGAR
  • Dec 5, 2022
  • 2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | December 5, 2022



Hello, Bulgarians! Isang mananahi mula Taytay, Rizal ang nagtungo sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong ika-7 ng Nobyembre upang kubrahin ang jackpot prize na nagkakahalagang P21,436,089.60 sa nagdaang Megalotto 6/45 draw noong ika-4 ng Nobyembre, 2022 na may kombinasyon na 16-13-02-19-11-07.


Hindi maipaliwanag ang kasiyahan ng ginang nang personal na iniabot ni Atty. Anna Katrina Nicole C. Contacto, Executive Assistant VI, kinatawan ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles, ang tseke na naglalaman ng kanyang napanalunan. “Nang makita ko sa post ng PCSO Facebook Page na nanalo ang aking numero ay hindi na ako nakapagsalita, pinapagpapawisan na ako ng malamig at mangiyak-ngiyak ako sa tuwa. Halos ganyan ang nangyari sa akin sa loob ng dalawang araw. Nasa 15-taon na akong tumatangkilik sa lotto. Sa nakaraang 9-buwan napagpasyahan ko na tayaang numero ang edad ng aking mga anak at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakamit ko ang aking pinapangarap,” saad ng 39-taong gulang na ginang.


Sa panayam nabatid na ang ginang ay mayroong negosyong patahian, ngunit nalugi ito dahil sa pandemya. “Dati-rati ay may sarili akong puwesto, bumagsak ang negosyo kong patahian dahil sa pandemya. Nagsabay-sabay ang dagok sa aking buhay noong panahong iyon. Nabenta ang aming bahay upang maibayad sa utang, ngayon ay nangungupahan kami sa maliit na barung-barong. Dagdag pa ang pagka-opera ng aking anak sa kidney. Kaya’t itinuturing ko ang pagkapanalo ko sa lotto na sagot sa lahat ng naging kahilingan ko sa Panginoon,” dagdag ng bagong milyonaryo.


Laking pasasalamat naman ng bagong winner sa natanggap niyang premyo at mukhang planado na kung ano ang kanyang gagawin sa napanalunan. “Lubos akong nagpapasalamat sa PCSO lalo na’t higit sa Poong Maykapal sa pagdinig ng aking panalangin. Dahil dito, sigurado akong makababangon kaming muli sa pagkalugi. Ipatatayo ko na muli ang aking patahian. Maraming salamat ulit.”


Hinikayat naman niya ang publiko na patuloy na tumangkilik sa mga laro ng PCSO. “Nang bumagsak ang aming negosyo, doon mas lalo akong nagpatuloy sa pagtangkilik ng lotto. Umasa ako na kapag nanalo ako ay makababangon kami. Kaya payo ko lang sa ating mga kababayan ay huwag lang tayo mawalan ng pag-asa dahil hindi natin alam kung kailan ito ipagkakaloob sa atin.”

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page