P204M pang droga, nasamsam sa yate sa Subic
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
by Jeff Tumbado @News | September 6, 2026

Photo: BOC
Nakasamsam muli ang Bureau of Customs (BOC) ng karagdagang 123.91 kilo ng high-end marijuana o “kush” mula sa isang yate na sumilong sa Subic Bay Freeport Zone (SBFZ) dahilan upang umabot sa 198 pakete ang kabuuang nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P366.65 milyon.
Narekober ng mga tauhan ng BOC-Port of Subic ang karagdagang 109 pakete ng kush na may tinatayang street value na P204.44 milyon sa nagpapatuloy na stripping at inspeksyon sa naturang sailing yacht Sabado ng umaga, Setyembre 5.
Ang yate ay una nang isinailalim sa enforcement operation matapos itong sumilong sa Subic Bay Yacht Club (SBYC) noong Setyembre 2, dahil sa masamang panahon at pangangailangan nitong magsagawa ng pagkukumpuni.
Sa unang operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang 98.332 kilo ng kush na tinatayang nagkakahalaga ng P162.2 milyon.
Sa kabuuan, 198 pakete ng hinihinalang high-end kush na ang nakumpiska ng mga awtoridad, na may kabuuang timbang na mahigit 222 kilo at tinatayang street value na P366.65 milyon.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng BOC sa mga katuwang nitong law enforcement agencies, kabilang ang Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department (SBMA-LED), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Justice (DOJ) at iba pang mga kinauukulang opisyal.
Batay sa naunang ulat, ang yate ay may sakay na mga tripulanteng Thai at Malaysian at nagmula sa Kota Kinabalu, Malaysia. Patungo sana ito sa Taiwan nang mapilitan itong sumilong sa Subic dahil sa masamang lagay ng panahon.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga ito at ang mga taong nasa likod ng tangkang pagpasok ng malaking bulto ng ilegal na droga sa bansa.
Ang mga nakumpiskang kontrabando ay isinailalim sa inventory at turnover sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad sa yate upang matiyak na walang iba pang kontrabando o ilegal na kargamento ang nakatago rito.





ang laki ng halaga ng nakumpiskang droga sa operasyong ito. mahalaga ang koordinasyon ng iba't ibang ahensya tulad ng boc at pdea. ang detalye tungkol sa pinagmulan ng yate at ang dahilan ng pagsilong nito ay nagbibigay ng konteksto. patuloy na pag-iimbestiga ang susi para matukoy ang buong network sa likod nito. Image 2