P200 dagdag-sahod, aprub na sa Kamara
- BULGAR

- Jun 5
- 1 min read
ni V. Reyes | June 5, 2025

Photo File: BSP
Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 11376 o Wage Hike For Minimum Wage Earners Act na naglalayong dagdagan ng P200 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sa botong 171 na pabor, isang tumutol at walang abstain, aprubado na ng mga kongresista ang panukalang legislated wage hike na tatlong dekada nang itinutulak na mapagtibay.
Sa ilalim ng panukala, kahit regular o hindi regular na empleyado ay masasakop ng dagdag-sahod.
“Upon the effectivity of this Act, the daily rate of all minimum wage workers in the private sector, regardless of employment status, including those in contractual and sub-contractual arrangements, whether agricultural or nonagricultural, shall be increased by two hundred pesos (P200) per day,” ayon sa Section 3 ng panukalang batas.
Upang makatulong naman sa mga maliliit na negosyong maoobliga sa dagdag-sweldo, maaaring magbigay ng compliance incentives ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga ito.
“The following establishments may apply for exemption from compliance with the minimum wage increase as provided by this Act: (a) retail or service establishments regularly employing not more than ten (10) workers; and (b) establishments adversely affected by natural calamities or human-induced disasters,” dagdag pa sa panukala.
Kapag ganap nang naging batas, magiging P845 ang daily minimum wage sa Metro Manila mula sa kasalukuyang P645.
Itataas naman sa P760 ang daily minimum wage sa mga nasa probinsya mula sa kasalukuyang P560.
Maaaring maharap sa multang P100,000 hanggang P500,000 ang mga kumpanyang hindi susunod sa regulasyon ng batas.








Comments