top of page
Search
  • BULGAR

P1M para sa pagpunta ng Chinese students sa Cagayan, dapat imbestigahan

ni Ryan Sison @Boses | April 19, 2024




INAALAM na ng pamahalaan ang napaulat na pagdami ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan.


Sa panayam kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sinabi nitong gustong malaman ng AFP ang layunin ng mga naturang Chinese student sa probinsya na malapit sa Taiwan.


Ayon kay Padilla, nais nilang mabatid kung paano sila nakapasok o nakarating sa Pilipinas, ang legalidad ng pagpasok nila sa ating bansa at kung mayroon silang mga kinakailangang dokumento tulad ng student visa na nire-require dahil sa estudyante ang mga ito.


Aniya, humingi na rin ng tulong ang AFP sa Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA), Commission on Higher Education (CHED), at Philippine National Police (PNP) tungkol dito.


Sa paghingi ng imbestigasyon ng Kamara sa usapin, sinabi ni Cagayan Rep. Joseph “Jojo” Lara na nakatanggap siya ng mga ulat mula sa kanyang mga constituent na mayroong tinatayang 4,600 Chinese students sa isang pribadong unibersidad lamang, at sila ay namataan sa mga pampublikong lugar na nakasuot ng student IDs.


Sinabi ng kongresista na nakatanggap din siya ng impormasyon na ang mga estudyanteng Chinese ay nakakarating sa Cagayan sa halagang P1 milyon, kung saan 80% ng amount nito ay napupunta sa isang “agent” at ang natitirang 20% ​naman ay sa paaralan.


Giit ni Lara, gusto lang nilang malaman kung bakit, at hindi sila tutol sa pagkakaroon ng mga dayuhang estudyante, pero ang kinatatakutan nila ay mayroong isyu ang bansa sa China. Sinabi niya na kung mayroong 4,600 Chinese students sa isang private university at inamin pa ito ng naturang pribadong unibersidad, nakakaalarma talaga ito.


Nang tanungin naman siya kung ang sitwasyon ay dapat na magdulot ng alarma para sa AFP, depende ito, ang kanyang naging tugon.


Tinitingnan nila ang bawat posibleng anggulo kung bakit may pagdagsa ng mga Chinese na estudyante sa Cagayan.


Paliwanag ni Lara na depende ito sa kung ano ang maaaring maging alarma sa epekto na iyon. Kung susuriin ito mula sa isang security standpoint ay ano ang lalabas sa internal investigation nila, kung threat ba talaga ito dahil may iba’t ibang facets para rito. 


Gayunman, sinabi ng PNP na balido at may basehan naman ang presensya ng mga Chinese student sa Cagayan habang inimbitahan na rin sila ng CHED.


Sa ngayon ayon sa PNP, wala pang namo-monitor na anumang reklamo ang provincial police na kinasasangkutan ng mga Chinese national.


Kung wala sanang isyu ang ating bansa sa China, hindi tayo masyadong mababahala sa pagdagsa ng libu-libong estudyanteng Chinese sa ating bansa.


Para kasing lumalabas na tila may pinaghahandaan sila, bukod pa sa isiping malapit ang Cagayan sa Taiwan.


Pero kung masusuring mabuti ng kinauukulan ang totoong dahilan ng mga naturang estudyante, kung bakit pinili nilang mag-aral dito sa ‘Pinas, mawawala rin ang ating agam-agam sa kanila.


Mahusay din kasi ang ating mga guro, lalo na sa mga probinsya, na magturo at magsanay sa mga estudyante kaya siguro marami rin ang napapabilib sa kakayahan nila.


Siguro, isipin na lang natin sa ngayon na gusto talagang mag-aral ng mga Chinese student na ito at nais nilang mahasa ang kanilang karunungan, habang iwasan na rin natin ang mga negatibong bagay sa ating kapwa na posibleng magdulot ng masamang kahihinatnan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page