top of page
Search
  • BULGAR

P1M multa dapat ipataw sa hospital detention

ni Ryan Sison @Boses | Abril 8, 2024



Mas mabigat na parusa ang dapat na ipataw sa mga ospital na mahuhuling sangkot sa illegal detention.


Ito ang iginiit ni Senadora Risa Hontiveros, ang pangangailangang maipasa na ang panukalang batas na inihain niya noong taong 2022 na nagsusulong na itaas ang parusa para sa hospital detention. 


Kasunod ito aniya ng reklamo ng mga miyembro ng pamilya ng ilang nasawing pasyente sa isang ospital sa Valenzuela City, kung saan pinagbawalan umano silang makalabas dahil sa kabiguan nilang agad na bayaran ang kanilang medical bills.


Sinabi ni Hontiveros na doble-dobleng pasakit ito sa kanila, na tinawag niyang ‘palit ulo scam’ sa mga ospital.  


Ayon sa senadora, kung totoo man, ang mga ospital na ito ay walang pakundangan na gumagawa ng mga krimen na malinaw pa sa sikat ng araw. Klaro sa batas na bawal ang hospital detention at puwedeng makulong at pagmultahin ang sinumang lumabag dito. 


Nanawagan rin si Hontiveros sa Department of Health (DOH) na agad na aksyunan ang mga sumbong na ito at tiyaking hindi na mauulit ang mga insidente.


Nauna nang inihain ng senadora ang Senate Bill 140, na naglalayong itaas ang parusa ng hospital detention laban sa mga opisyal o empleyado ng health facilities na pipigil sa pag-release o paglabas ng kanilang mga pasyente.


Nais ni Hontiveros na gawing anim na buwan hanggang dalawang taon at apat na buwan na pagkakakulong at multang P100,000 hanggang P300,000.


Ito ay mula sa itinatakdang parusa ng kasalukuyang batas, kung saan kulong na mula isa hanggang anim na buwan lang, at multang P20,000 hanggang P50,000 lamang.


Karagdagang parusa o penalty na apat hanggang anim na taong pagkakakulong at/o multang P500,000 hanggang P1 milyon para sa mga direktor o opisyal na gagawing patakaran o polisiya at nag-aatas sa kanilang mga empleyado na huwag palabasin ang mga pasyente.


Panahon na rin siguro para baguhin o i-update ang batas na umiiral sa ating bansa na anti-hospital detention law na naipasa ilang dekada na rin ang nakakalipas.


Hindi na rin kasi makatao ang ginagawa ng ibang ospital sa mga pasyente pati na sa pamilya ng mga ito.


Kung iisipin, matindi na ang inabot nila sa mga gamot, bayad sa doktor at iba pang pangangailangan ng pasyenteng pamilya, na halos magkautang-utang, habang kalaunan ay mamamatay din ang kanilang mahal sa buhay. At pagkatapos, hindi mailabas ang mga labi ng kanilang pamilya dahil walang pambayad o kaya ayaw magbigay ng death certificate kung walang kapalit na maiiwan sa ospital.


Sana, agad na maipasa at maging ganap na batas ito upang maparusahan ang sinumang lalabag dito.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page