top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

P114M Mega lotto, 'na-jackpot' ng negosyante mula Sto. Domingo Nueva Ecija

  • BULGAR
  • Jan 15, 2023
  • 2 min read

ni Fely Ng @Bulgarific | January 15, 2023



Hello, Bulgarians! Ang Bagong Taon ay nagdala ng suwerte sa isang negosyante mula sa Sto. Domingo, Nueva Ecija na nag-claim ng jackpot prize na P114,327,454.00 para sa Mega Lotto 6/45 na nilaro noong Disyembre 23, 2022, sa PCSO Main Office, Shaw Blvd., Mandaluyong City na may winning combination 11-21-01-12-17-03.


Ibinunyag ng bagong milyunaryo na siya ay naging regular na manlalaro ng lotto sa loob ng 15 taon at ang kanyang panalong kombinasyon ay binubuo ng kanyang mga paboritong numero. Nabanggit niya na ang kanyang mga naunang panalo ay hanggang sa apat na digit lamang at balik taya. “Lubos po akong nagpapasalamat sa PCSO at sa Panginoon sa pagkapanalo ko sa lotto. 'Di ko po inasahan na sa ganitong panahon ko mapapanalunan ang jackpot, tamang-tama magpapasko pa yun. Hindi ko po maipaliwanag ang aking nararamdaman”, sabi niya.



Ang nagwagi, na ginugol ang karamihan ng kanyang buhay sa negosyo ay nagplano na kung paano niya gagamitin ang kanyang napanalunan. “Sa totoo lang po, naging maayos naman po ang naging takbo ng buhay ko. Nakita ko ang pangangailangan ng aking mga kababayan at napagpasyahan ko po na unahing ipantulong ang makukuha kong premyo mula sa lotto. Ipagpapatuloy ko rin at palalaguin ang aking mga negosyo at syempre mag-iipon para sa kinabukasan ng aking pamilya”, pahayag pa niya.


Nagbigay din ito ng paalala at payo sa publiko na ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga laro ng PCSO. “Payo ko lang po sa mga katulad ko na tumatangkilik sa mga palaro ng PCSO ay ipagpatuloy lang ang kanilang pagtaya sa lotto dahil hindi natin alam kung kailan darating ang ating swerte. Ang bawat perang ginagamit natin sa pagtangkilik ng lotto ay napupunta din sa mga programa ng PCSO para sa mga nangangailangan nating kababayan”, dagdag pa niya.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page