top of page
Search
  • BULGAR

P10-K ayuda para sa mga Pinoy, gamit na gamit na epal na opisyal ng gobyerno

ni Chit Luna - @Yari Ka! | May 29, 2021



Mistulang destabilization ang ginagawa ng tropa ng isang opisyal ng gobyerno sa gitna ng patuloy na pananalasa ng pandemya. Ang kanyang diskarte — magpalista para sa P10-K ayuda.


Batid ng nasabing opisyal ng gobyerno na nagkukumahog ang pamahalaan sa paghahanap ng salaping tutugon sa pangangailangan ng mga bakuna kontra COVID-19, pero patuloy na nag-iikot ang mga tao ng ating bida sa pampublikong lugar at munisipalidad upang magpakalat ng fake news.


Sa kanilang pag-iikot, nagpapalista sila sa mamamayan para umano makatanggap ng P10-K ayuda. Sa katunayan, sa isang lungsod sa South ay lumapag ang nasabing grupong nagpakilalang empleyado at napag-utusan para sa pagpapatala.


Ang resulta — dinumog ito ng mga tao, sukdulang magkapalit ng mukha sa siksikan. Tunay namang kapani-paniwala lalo pa’t sumampol sila ng pamumudmod sa isang pang lungsod sa South din.


Sa pag-arangkada nito, sapul na sapul ang kanyang target — ang mapaniwala ang mamamayan sa P10-K ayuda na kanyang isinusulong at ang magalit ang sambayanan kalaunan dahil wala talagang pondo ang gobyerno.


Sukdulang panggugulo ang ginagawa ng ating bida bilang paghahanda sa susunod na national elections.


Sa kanyang pagbisita sa South, namahagi ito ng P10-K “ayuda” sa 300 benepisaryo ng kanyang programa, bilang tugon aniya sa kinahaharap na krisis ng bansa.


Kasabay ng pamamahagi ng salapi, hinimok din niya ang mga residente na hanapin sa kani-kanilang gov’t official ang P10-K ayuda para sa kanila.


Ang hindi alam ng marami, ibinasura na ang panukala nitong P10-K ayuda sa bawat pamilyang Pilipino o P1, 500 kada miyembro — kung alinman ang nakahihigit. Hindi isinama sa consolidated House committee on economic affairs version ang kanyang iniakda para sa Bayanihan 3.


Banat pa nito, bahagi ng kanyang adbokasiyang bigyan ang mga pamilyang Pilipino ng tulong-pinansiyal na maaari nilang gamitin pambili ng kanilang pangunahing pangangailangan at muling buhayin ang maliliit na negosyo.


Ang totoo, maging ang Kamara na nagpasa kamakailan ng Bayanihan 3 ay hindi natukoy kung saang kamay nila huhugutin ang mahigit 400-B pondong kailangan para sa pagbabakuna ng 70 porsiyento ng populasyon ng bansa.

Isa pang katotohanan, nais lamang niya na malayang makapag-ikot na para bagang nangangampanya, pero sa huli ay wala namang darating na ayuda.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page