P10-K ayuda, ayaw gawan ng paraan ng mga kongresista?!
- BULGAR
- May 25, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | May 25, 2021
Hindi pa rin inaaksiyunan ng Kamara ng mga Representante ang panukalang pagkaloob ng P10-K ayuda kada pamilya na apektado ng pandemic.
Bulag, pipi at bingi ba ang liderato ng Kamara?
◘◘◘
INIHAIN ang naturang panukala ng mga kongresistang kasama sa grupong Back to Service (BTS).
Mahigit apat na buwan nang nakatengga ito kung saan dapat isama ito sa pagtalakay sa panukalang Bayanihan 3 Act!
◘◘◘
IPINIPILIT pa rin ng mga kongresista ang kakarampot na ang P1-K ayuda sa bawat Pilipino sa ilalim ng Bayanihan 3 na aprubado na sa antas ng komite.
Bakit kaya ayaw nilang palobohin sa P10-K ang ayuda kada pamilya upang magamit ito sa pag-ahon mula sa pagdarahop?
◘◘◘
SA kabila nito, aktuwal pa ring namamahagi ng tig-P10-K ayuda ang grupo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano upang himukin ang kapwa mambabatas na suportahan ang naturang probisyon.
Umabot na pala sa mahigit 500 benepisaryo ang nakatanggap ng P10-K ayuda mula sa grupo ng BTS!
◘◘◘
NOONG Biyernes ay muling namigay sina Cayetano ng P10-K ayuda sa 300 residente ng Laguna.
Sinaksihan mismo nina Cong. Dan Fernandez, Sol Aragones at mga alkalde ng iba’t ibang bayan ng Laguna ang pamimigay ng P10-K ayuda!
◘◘◘
BUKOD ito sa 200 katao na nakatanggap ng P10-K ayuda kasabay ng paglulunsad ng Sampung Libong Pag-asa noong nakaraang Araw ng Paggawa.
Ayon sa grupo, hindi DOLE out ang ginagawa nila dahil hindi ito pantawid gutom lamang ng ating mga kababayan kundi pang-ahon mula sa paghihirap dahil sa COVID-19!
◘◘◘
KUNG P1-K ang iaayuda, baka itaya lamang ito sa jueteng o tupada sa mga barangay dahil walang negosyo na puwedeng ikapital ito.
Kapag kasi P10-K puwedeng ipangnegosyo ito at mabilis makarerekober ang mga benepisaryo!
◘◘◘
GAMIT na kapital ang P10-K maaaring mabuhay ang nabangkaroteng mumunting negosyo tulad ng paggawa ng tinapay o anumang paninda na makakain ng mga suki.
Puwede kasing ipambili ito ng sangkap o rekado upang madagdagan ang kita ng mga nagtitinda o nagtitingi ng pagkain!
◘◘◘
ISANG master baker ang nakatanggan ng P10-K mula sa BTS at agad bumili ng ilang sako ng harina at asukal.
Mula sa kakarampot na P300 ka kita, lumobo ito sa P1, 200 kada araw kaya’t nabuhay ang pag-asa na makaahon sa pandemic ang pamilya ng baker!
◘◘◘
KAPAG nabuhay ang libu-libong mumunting negosyo gamit ang P10-K, siyempre, sisigla rin ang kabuuan ng merkado o mismo ang gulugod ng ekonomiya ng bansa.
Puwede kasing magtinda ng gulay, karinderya, sari-sari store o kahit livelihood cart na naglalako sa buong barangay kapag ginamit ang P10-K kapital!
◘◘◘
DAPAT nating bulabugin ang mga kongresista upang palobohin sa tig-K ang ayuda imbes na P1-K lamang.
Mayroon namang sapat na pondo.
Bakit ginagawang timawa ng mga kongresista ang mga biktima ng pandemic?





Comments