P0.20 taas-presyo sa diesel... P5.50 rollback sa gasoline

ni Mervin Reyes @News | October 18, 2026

Photo: File
Posibleng bumaba ng P5.30 hanggang P5.50 kada litro ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo, habang maaaring manatili o tumaas nang P0.20 kada litro ang presyo ng diesel.
Batay sa pagtataya ng isang source mula sa industriya ng langis, gamit ang buong linggong Mean of Platts Singapore (MOPS) trading at average ng palitan ng piso kontra dolyar, inaasahan ang nasabing pagbabago sa presyo.
Ayon sa source, bumaba ang presyo ng gasolina dahil sa paghina ng demand at pagbuti ng suplay sa Asya. Nakadagdag din sa pagbaba ang mas mataas kaysa inaasahang imbentaryo ng gasolina sa United States, na nagpapahiwatig ng mahinang demand.
Samantala, nakatulong sa pagpigil sa pagtaas ng presyo ng diesel ang planong emergency stock releases ng mga bansang kasapi ng International Energy Agency (IEA), kasunduan ng US at Russia sa diesel, at muling pagpapahintulot ng China sa pag-export ng refined petroleum products ngayong Oktubre.
Tuwing Lunes inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na pagbabago sa presyo, na ipatutupad kinabukasan.





Comments