ni Mervin Reyes @News | November 12, 2026

Photo: File / BIR
Nagbabala ang Department of Energy (DOE) sa mga gasolinahang hindi nagpapatupad ng itinakdang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo, na maaari umanong maituring na price manipulation.
Ayon sa ahensiya, maaari itong maglabas ng show cause order at magpataw ng kaukulang multa sa mga gasolinahang mapatutunayang lumabag.
Hinimok din ng DOE ang publiko, lalo na ang mga motorista, na i-report ang mga hindi sumusunod sa rollback sa pamamagitan ng 8888 hotline o “Gas Station Concerns” feature sa eGovPH app.
Ilang motorista ang nagreklamo sa kulang na bawas-presyo habang may ibang gas station naman ang wala umanong stock.
Inatasan ang mga kumpanya ng langis na tiyaking naipaaalam sa lahat ng kanilang mga gasolinahan ang tamang pagpapatupad ng bagong presyo.
Naglabas ng babala ang DOE kasunod ng malakihang rollback na P16.80 kada litro sa gasolina, P4.10 sa diesel, at P3.70 sa kerosene.



