top of page
Search
  • BULGAR

P. Rico, Greece at Georgia sakalam sa Day 2 FIBA Cup

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 27, 2023



Pinaghirapan ng todo ng Puerto Rico ang kanilang 101-96 panalo kontra Timog Sudan sa pinakaunang overtime sa 2023 FIBA World Cup Sabado sa Araneta Coliseum. Kasabay nito ay tinambakan ng Gresya ang Jordan, 92-71, sa Mall of Asia Arena.


Ibinuhos ng Puerto Rico ang unang pitong puntos ng overtime upang itayo ang 88-81 bentahe at 3:13 sa orasan. Malaking bawi ito para kay Ismael Romero na minintis ang dalawang free throw na wala nang oras sa 4th quarter at itakda ang karagdagang 5 minuto.


Itinabla ni Carlik Jones ng Chicago Bulls ang iskor para sa Timog Sudan sa three-points na may 10 segundong nalalabi, 81-81. Tinawagan ng foul si Dut Jok Kacuol sabay tunog ng busina at binalikan ng reperi ang video upang matiyak kung nangyari ito na may oras pa kaya pinatira si Romero na nagmintis.


Nanguna sa Puerto Rico sina Stephen Thompson na may 21 puntos at Tremont Waters na may 19 at 10 assist. Double-double din si Romero na 16 at 12 rebound at kinulang ang 38 puntos at 11 assist ni Jones.


Lumamang ng maaga ang Jordan, 14-10, subalit binura ng 13 sunod-sunod na puntos ng mga Griyego at umabot sa mga unang minuto ng 2nd quarter, 23-14. Sapat na iyan at inalagaan ng Team Hellas ang lamang at ang huling iskor ay siya ring pinakamalayong agwat.


Namuno sa mga Griyego sina Giannoulis Larentzakis na may 19 at Ioannis Papapetrou na may 13 puntos. Humugot ng 24 puntos mula sa kanilang naturalized na si dating TNT Tropang GIGA import Rondae Hollis-Jefferson.


Samantala, tinambakan ng Georgia ang Cape Verde, 85-60, sa Okinawa Arena ng Japan.


Sumandal ang Georgia kay Goga Bitadze ng Orlando Magic na gumawa ng 15 puntos at 11 rebound sa loob lang ng 20 minutong aksiyon.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page