P-Digong, dedma sa mga “bigfish” na sangkot sa Pastillas Gang, pwe!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 12, 2020
KAPAG PARA SA PAGTATANGGOL SA KAPATID, MAY BOSES SI SEN. PIA CAYETANO—Nanalo si Sen. Pia Cayetano sa pagka-senador dahil sa slogan niyang boses siya ng kababaihan sa Senado, pero ang boses niya ay hindi narinig nang i-red-tagged ng military sina Angel Locsin at Liza Soberano.
Pero nang isulong ni Sen. Risa Hontiveros na imbestigahan ang anomalyang kinasasangkutan ng Phisgoc (Philippine Sea Games Organizing Committee) na foundation ni ex-Speaker Alan Cayetano, aba, biglang nagkaboses si Sen. Pia, hindi para maging boses ng kababaihan, kundi maging boses sa katatanggol sa kanyang kapatid, buwisit!
◘◘◘
CHINA NA NANGHIHIMASOK SA WPS AT NAMBU-BULLY SA MGA MANGINGISDANG PINOY, IBOBOTO NG PILIPNAS SA ICJ—Ibinida ni Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. ng Department of Foreign Affairs (DFA), inatasan na raw niya ang representante ng Pilipinas sa United Nations (UN) na iboto ang kandidato ng China para maging isa sa limang hurado ng International Court of Justice (ICJ).
Sablay din utak ni Locsin kasi ‘yung China na nanghihimasok sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippines Sea (WPS) at nambu-bully sa mga mangingisdang Pinoy, eh, ikinakampanya pang iboto sa ICJ, pwe!
◘◘◘
PABIDA NI P-DUTERTE NA PABUYANG P50K-P100K KONTRA CORRUPT, WALANG PATOL SA PUBLIKO—Ayon kay P-Duterte, magbibigay daw siya ng P50-K hanggang P100-K sa sinumang mamamayan na magbibigay-impormasyon sa mga korup sa pamahalaan.
Ang pabidang ‘yan ni P-Duterte ay wala nang patol sa publiko kasi noong pagkaupo niya sa poder ay inanunsiyo niyang itawag sa hotline 8888 ang mga kurakot, pero nabuwisit lang ang mga magsusumbong dahil nang i-dial ang numero, hindi ma-contact, boom!
◘◘◘
HINDI PALA KASAMA SA MGA SINABON NI P-DUTERTE ANG MGA “BIGFISH” NG “PASTILLAS GANG”—Sinabon at tinangka pa raw pakainin ni P-Duterte sa Malacañang ng pera ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa “Pastillas Gang”, pero ayon kay Sen. Hontiveros, hindi naman daw kasama sa ipinatawag at pinagalitan ng pangulo ang mga “utak” sa scam na ‘to.
Mga “dilis” lang pala ang sinabon, ‘di kasama ‘yung mga “bigfish” sa scam, pwe!





Comments