P-Digong at Sen. Manny Pacquiao, wa’ tigil sa patutsadahan
ni Ka Ambo - @Bistado | July 14, 2021
Sa Oktubre na ang pagsusumite ng certificate of candidacy para sa 2022 elections.
Side effects nito ang bangayan at balitaktakan!
◘◘◘
NAGPAPATUTSADAHAN agad mismo sina P-Digong at Sen. Manny Pacquiao.
Matira ang matibay!
◘◘◘
NAKIKISAKAY naman si dating Senador Antonio Trillanes IV.
Inakusahan niya ng plunder ang tandem nina P-Digong at Sen. Bong Go!
◘◘◘
SINAGOT agad ni Sen. Go ang “bomba” kaya’t nakakaturete na talaga.
‘Yan ay sa panahong wala pang deklarasyon ang mga tunay na protagonist!
◘◘◘
AYON mismo kay ex-Speaker Alan Peter Cayetano, walang maidudulot na mabuti ang bangayan dahil mas dapat pagtuunan ay kung paano makararaos sa pandemic.
Marami ang nagugutom dahil walang trabaho at nagsisipagsarado ang mga negosyo!
◘◘◘
IMBES na makisawsaw sa away, aktuwal namigay ng tig-P10-K ayuda ang grupo ni Cayetano sa mga lalawigan katuwan ang dabarkads na BTS.
Umabot na sa higit na P5,000 ang benepisaryo ng ayudang ito upang may magamit sa pagsisimula ng maliliit na negosyo!
◘◘◘
WALA pa ring desisyon si Cayetano kung sasali siya sa derby pero may pagkakataon siyang magdesisyon hanggang Oktubre.
Hindi malaman kina Mayor Sara at Mayor Isko kung talagang kakandidato sa 2022!
◘◘◘
NAKARARANAS ngayon ang bansa ng tinatawag na “stagnant economy” o hindi pag-andar ng ekonomiya.
Kailangan ay ang stimulus o pang-udyok upang sumigla ang daloy ng ekonomiya!
◘◘◘
IMBES na tumutok sa maselan at mahirap ipaliwanag na macro economy ng mga dambuhalang negosyante, ipinokus ngayon ng BTS ang ayuda sa micro business o mumunting negosyo.
Bukod sa tig-P10, 000 nagbibigay sila ngayon ng tig-P3,500 ayuda sa mga sari-sari stores sa mga lalawigan.
Malaking tama ito!
◘◘◘
INILUNSAD na ang ayuda sa sari-sari stores sa Baguio City, Dagupan City, Olongapo City, at maging sa Guiguinto at Calumpit sa Bulacan.
Ayon kay Nanay Avelina ng Dagupan City, isa sa mga nakatanggap ng P3,500 malaking tulong ito sa kanyang tindahan na pilit niyang sinusustine ang paninda ngayong pandemya!
◘◘◘
MALAKAS umano ang konsumo ng mga noodles, sardinas, toyo, bigas, at iba pang paninda na sila rin mismo ang nakikinabang nang direkta dahil nagkasakit ang kanyang asawa ngayong pandemya.
Isang malaking tulong ito sa mga nagdarahop sa mga kanayunan!
◘◘◘
BINABALIKAN din ng grupo ni Cayetano ang mga magsasaka at mangingisda na dati ng benepisaryo ng Programng Presyo Trabaho Kita.
Inayudahan sila muli kasama ang mga barangay health workers na mga pangunahing medical frontliners sa mga barangay!
◘◘◘
NATUWA naman ang sina San Fernando City Mayor Edwin Santiago at Tarlac City Mayor Christie Angeles sa ginagawa ng BTS.
Maging si Manay Gina De Venecia ay nanawagan na rin sa mga taga- Pangsinan na suportahan ang pag-ayuda na ginagawa ni Cayetano!
◘◘◘
MAGSAGAWA rin sana ng malawakang pag-ayuda sa maliliit na negosyante ang gobyerno upang maiahon ang ekonomiya sa tuluyang pagkalugmok.
Walang aasiste sa maliliit na negosyante kaya’t kailangan silang maayudahan sa lalong madaling panahon.
Sila ang mismong gulugod sa katatagan ng bansa!





Comments