top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

P-Digong, aminadong kalat na sa bansa ang COVID-19 vaccine

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 29, 2020
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | December 29, 2020



Tulad sa paulit-ulit nating binabanggit, umamin at nagbigay na ng opisyal na pahayag si P-Digong.


Kinumpirma niya ang ating binabanggit na marami nang Pinoy ang naturukan ng COVID vaccine kasama rito ang military personnel!


◘◘◘


Walang masama sa pag-amin, ang masama ay ang ilang pahayag na aarestuhin ang mga mahuhulihang nagtuturok ng COVID vaccine na hindi nagdaan sa maayos na proseso.


Isang pagkukunwari ito at pagtakas sa mapait na katotohanan.


Malayo ito sa praktikalidad.


Dapat maglabas sila ng malinaw na direktiba!


◘◘◘


Ang puwedeng ipagbawal ay ang komersiyalisasyon ng COVID vaccine.


Ibig sabihin, kapag ginamit sa negosyo — ay talagang bawal lalo na ang bulto-bultong units.


Pero kapag “for personal use” ay exempted sa pagbabawal — tulad sa pagturok sa military personnel.


Kapag personal, puwedeng magpaturok ang ordinaryong mamamayan at mawawalan ng pananagutan sa batas!


◘◘◘


Mahalagang maglabas ng malinaw at espesipikong direktiba ang Malacañang at ang IATF.


Makakatulong ito upang gumaan ang pasanin ng gobyerno at magkusa ang pribadong sektor na gastusan ang sarili nilang pangangailangan para sa kaligtasan ng pribadong mamamayan!


◘◘◘


Nauunahan ng tsismis ang gobyerno kaya’t nawawalan sila ng kredibilidad.


Dapat nauunang naglalabas ng opisyal na pahayag ang Malacañang imbes na gumulong ang tsismis sa social media na mamarkahang “fake news” pero sa aktuwal ito ay “mapait na katotohanan”!


◘◘◘


Ang pakikilahok ng pribadong sektor o pribadong mamamayan na bumili ng kani-kanyang COVID vaccine ay positibong aksiyon at desisyon na makatutulong upang mapabilis at mapagaan ang pagtuturok ng COVID vaccine.


Kailangan lamang ay malinaw na direktiba na iniiwasan ng gobyerno na ipatupad!


◘◘◘


Napagbibintangan tuloy ang mga ehekutibo ng gobyerno na tradisyunal na korup dahil nais pagkakitaan o gawing negosyo ang pagpasok ng COVID vaccine.


Sinasabing nabalam ang pagpasok ng Pfizer vaccine ngayong Enero sa Pilipinas dahil nais makakuha ng tongpats ang mga buwitre sa pamahalaan!


◘◘◘


Ang gobyerno ay dapat nagiging transparent at habang naglilihim sila — lalong lumalakas ang hinala na sila ay sandamakmak na korup at pinagkakakitaan ang krisis.


Hindi ito ang dapat maging larawan at repleksiyon sa panahon ng pandemic!


◘◘◘


Sa kabila ng kaliwa’t kanang pananakot sa mutation ng COVID virus, wala pang isang libo ang itinalang tinamaan ng COVID-19 kahapon.


Malaki rin ang bilang ng mga nakarekober.


Ibig sabihin, hindi malayong mabilis na magkaroon ng herd immunity sa Pilipinas.


Ang malaking populasyon ng Pilipinas ay indikasyon na may bruskong herd immunity ang mga Pinoy!


◘◘◘


Taliwas sa ibang bansa na dumaranas ng tagyelo at taglamig, papainit ang klima sa Pilipinas kaya’t mabilis na madadaig ng herd immunity ang COVID-19.


Hindi dapat ikumpara ang Pilipinas sa Europe dahil magkaiba ang klima sa Pilipinas at tradisyunal na maingat at clean living ang mga Pinoy!


◘◘◘


Taliwas sa sinasabi ng mga pesimistikong taga-gobyerno at media — may malaking tsansa na makarekober agad ang Pilipinas.


Malakas ang immune system ng mga Pinoy dahil karaniwang payapa ang isip ng populasyon na bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang pagdarasal na klase ng meditasyon na nagpapabulas ng immune system!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page