P-BBM, nagbigay ng huling paggalang kay FVR
ni Lolet Abania | August 4, 2022

Bumisita na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ngayong Huwebes kay yumaong dating Presidente Fidel V. Ramos sa Heritage Park sa Taguig City.
Dumating si Pangulong Marcos sa lugar pasado alas-10:20 ng umaga.
Sa interview ng mga reporters, sinabi ng Pangulo na nagtungo siya roon para magpaabot ng kanyang pakikiramay sa pamilya ni Ramos habang binanggit nito ang kanilang pagiging magkamag-anak. Si Ramos ay distant uncle ng Chief Executive.
Ipinaalaala rin ni Pangulong Marcos, kung paano si Ramos ay naging isang “symbol of stability” o simbolo ng katatagan para sa bansa.
“I just reminded Mrs. Ramos on how FVR, when he became president, was a symbol of stability after all the tumultuous events of 1986. When he came into the presidency, he brought calm and he brought stability to our country,” pahayag ng Pangulo.
“And for that, we will always be grateful to him and for all his service all throughout his life as a soldier and as a public servant,” dagdag nito.
Sa edad na 94 ay pumanaw si Ramos, habang nakatakda ang isang state funeral sa Agosto 9, ayon sa Malacañang. Ang kanyang pagpanaw ay inanunsiyo ng kanyang pamilya noong Linggo, Hulyo 31.
Nagdeklara naman si Pangulong Marcos ng period of national mourning at nagbigay na rin ng kanyang pakikiramay sa mga naulilang pamilya ni Ramos. Nanawagan din siya sa mga Pilipino na ipanalangin ang dating lider para sa eternal repose ng kaluluwa nito.
Si Ramos ay naging pangulo mula 1992 hanggang 1998.
Batay sa report, kabilang sa mga bumisita sa labi ni Ramos ngayong Huwebes ng umaga ay sina Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez, Department of Energy (DOE) Secretary Rafael Lotilla, Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, Speaker Martin Romualdez, Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr., Senator Francis Tolentino, Senator Ramon Revilla Jr. at asawang si Cavite Rep. Lani Mercado, dating Senate President Vicente Sotto III, at dating Vice President Leni Robredo.





Comments