P-BBM, may ‘mata’ sa pagpili ng mahuhusay na gabinete
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 1, 2022
Bakas sa mukha ng marami sa ating mga kababayan ang aliwalas at kasiyahan dahil sa pagkakapanalo ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (P-BBM).
Hindi pa man sumasapit ang inagurasyon ni P-BBM ay nagsimula na siya sa pagpili ng mga taong itatalaga niya sa mga ahensiya ng pamahalaan na magiging katuwang niya sa pagpapalakad ng bansa. Araw-araw ay nakaabang ang marami sa ating kababayan at lahat ay may kanya-kanyang opinyon kung karapat-dapat ba ang mga taong napili ni P-BBM na pagkatiwalaang humawak ng mga maseselang posisyon sa ating pamahalaan.
Marami ang nagsasabi na itong si P-BBM ay may ‘mata’ o kakayahang pumili ng maayos na itatalaga sa mga ahensiya ng pamahalaan at naging positibo ang reaksyon at pagtanggap ng ating mga kababayan maging ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Ako na lamang ay personal na humahanga sa pagpili kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Assistant Governor Amenah Pangandaman bilang bagong secretary ng Department of Budget and Management. Kilala natin ‘yang si Pangandaman at walang makakakuwestiyon sa kanyang kakayahan kung husay at pananaw lang ang pag-uusapan dahil sa kanyang malawak na karanasan sa larangan ng government finance at spending, higit pa dahil mayroon siyang perspektibo mula sa pananaw ng lehislatura at ehekutibo.
Nagtrabaho kasi si Pangandaman sa Senado sa mahabang panahon sa ilalim ng tanggapan ng pumanaw nang si dating Senator Edgardo J. Angara at kay Senator Loren Legarda, at natutok sa Senate Committee on Finance bago pa ito nagtrabaho sa DBM at BSP.
Naniniwala ako na best choice itong si Pangandaman. Bukod sa mapagkakatiwalaan ay hindi basta-basta ang kakayahan at makapagbibigay ito ng malaking ambag sa pangunguna kung paano mas mapapaganda pa ang DBM kung saan siya dating nanungkulan.
Gayundin sa magiging gabinete ng bagong administrasyon. Hindi lang si Pangandaman dahil halos lahat ng napili ni P-BBM na italaga sa iba’t ibang posisyon ay pawang mga mahuhusay at subok sa serbisyo-publiko kaya malaki ang ating pag-asa na mapabuti ang bansa.
Itinalaga rin ni P-BBM si former Congresswoman Maria Zenaida Angping bilang head ng Presidential Management Staff; Mayor Christina Frasco bilang Department of Tourism secretary; Ivan John Enrile Uy bilang Department of Information Communications and Technology secretary; at broadcaster Erwin Tulfo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary.
Nauna rito ay itinalaga rin ni P-BBM sina Vice President-elect Inday Sara Duterte-Carpio bilang Department of Education secretary; former Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos bilang bilang Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary.
Kasunod nito sina Atty. Vic Rodriguez bilang Executive Secretary; Cavite 7th District Rep. Boying Remulla bilang Department of Justice (DOJ); dating Philippine Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan-National Economic and Development Authority; dating labor chief Bienvenido Laguesma-Department of Labor and Employment; migrant workers advocate Susan “Toots” Ople para sa Department of Migrant Workers.
Itinalaga rin sina Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno para sa Department of Finance; ex-UP President Alfredo Pascual-Department of Trade and Industry; ex-Congressman Antonio Lagdameo, Jr.-Special Assistant to the President; Manny Bonoan-Department of Public Works and Highways (DPWH); at Atty. Trixie Cruz-Angeles para sa Presidential Communications Operations Office.
Puro kilalang personalidad ang mga napili na ni P-BBM at marami pa ang maidadagdag sa listahan sa mga susunod na araw at kitang-kita na pawang mga bihasa at subok na ang kakayahan pagdating sa seryosong paglilingkod sa sambayanan.
Ngunit siyempre, hindi naman lahat ay natutuwa sa mga desisyon ni P-BBM lalo na ‘yung mga hindi naman siya talaga sinuportahan noong nagdaang halalan ngunit sana lang ay huwag nating personalin dahil marami ang naniniwala na may maayos na direksyon ang bansa. Pagkakaisa, ‘yan ang sandigan ng pamahalaang pangungunahan ni P-BBM at kung hindi tayo handang makipagkaisa ay matuto sana tayong magbigay ng pagkakataon para makita sa huli kung gaano kalayo ang ating kaunlaran.
Ang mahalaga ay marami sa ating mga kababayan ang umaasa sa bagong pamahalaan na muli tayong babangon sa pangunguna ni P-BBM at sa mga ayaw makipagkaisa ay anim na taon kayong mai-stress dahil masyado kayong nabaon sa resulta ng nagdaang halalan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments