P-BBM, may ‘balls’ kayang sibakin, ikulong mga tamad, korup, waldas at mapang-api?
- BULGAR
- Jan 30, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 30, 2024
MAY PUNTO SI MAYOR BASTE MAGALIT KAY P-BBM KASI IPINAPAHAMAK NG MARCOS ADMIN ANG KANYANG AMANG SI EX-P-DUTERTE SA ICC -- Matapos sabihan ni Davao City Mayor Baste Duterte si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na dapat na itong mag-resign sa puwesto dahil sa isinusulong na “People’s Initiative” ng mga kaalyadong kongresista ng Marcos administration, inamin ng alkalde ng Davao City na ang isa sa ikinagagalit niya sa Presidente ay iyong hinayaang makapasok sa Pilipinas ang mga International Criminal Court (ICC) investigators para makapagsagawa ng imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa noong nakaraang Duterte admin.
May punto talaga si Mayor Baste na magalit, kasi nga naman ang tatay niyang si ex-P-Duterte ang nagbigay-pahintulot na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang yumaong ama ni P-BBM na si former Pres. Ferdinand E. Marcos, Sr., tapos ang naging sukli rito ng Marcos admin ay ipahamak ang kanyang ama (ex-P-Duterte) sa ICC, period!
◘◘◘
TOTOO MAN O HINDI NA ADIK SI P-BBM, MAY EPEKTO ITO SA MARCOS ADMIN DAHIL BAKA LALONG WALANG FOREIGN INVESTORS NA MAGNEGOSYO SA ‘PINAS NA ANG PRESIDENTE SUSPECTED ADDICT -- Diretsahang binanatan at sinabihan ni ex-P-Duterte si P-BBM na presidenteng adik daw ito.
Kung ganu’n, si P-BBM pala ang hindi niya pinangalanang presidential candidate noon na adik sa cocaine.
Totoo man o hindi ang sinabing ‘yan ni ex-P-Duterte na adik si P-BBM ay may malaking epekto sa Marcos admin ang sinabing ‘yan ng dating president, kasi lalong walang foreign investors ang maglalakas-loob na magtayo ng negosyo sa ‘Pinas, kung saan ang presidente ay suspected addict, boom!
◘◘◘
AYAW NI EX-DUTERTE NA PINALALABAS SIYANG SINUNGALING NI P-BBM KAYA ASAHAN NANG TITINDI PA ANG ATAKE NG EX-PRESIDENT SA PRESIDENTE -- Dinepensahan ni P-BBM ang kanyang sarili sa atake ni ex-P-Duterte sa kanya na siya raw ay drug addict, at ayon sa presidente ay epekto lang daw ng nakaka-adik na fentanyl na iniinom ng dating presidente ang mga ginawang pag-atake sa kanya.
Dahil sa sinabing ‘yan ni P-BBM ay asahan nang lalong titindi ang mga atake ni ex-P-Duterte sa kanya, kasi sa lahat ng ayaw ng dating presidente ay iyong pinalalabas siyang sinungaling patungkol sa ibinulgar niyang adik na presidente si P-BBM, period!
◘◘◘
ABANGAN KUNG MAGAWA NI P-BBM NA SIBAKIN AT IKULONG MGA TAMAD, KORUP, WALDAS AT MAPANG-API SA KANYANG ADMINISTRASYON -- Sa kick-off rally ng “Bagong Pilipinas” ay sinabi ni P-BBM na bawal dito ang tamad, korup, waldas at mapang-api.
Tingnan nga natin kung may “balls” si P-BBM na sibakin, sampahan ng kaso at ipakulong ang mga mababalitang tamad, korup, waldas at mapang-api sa Marcos admin, abangan!





Comments