top of page
Search
BULGAR

P-BBM, atat na atat baguhin ang konstitusyon, gustong pagsabayin plebisito sa Cha-cha at may 2025 Election

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 1, 2024


P-BBM ATAT NA ATAT MABAGO NA ANG KONSTITUSYON -- Ang nais ng mga senador at kongresista ay ihiwalay ang plebisito sa Charter change (Cha-cha) at May 2025 elections para mas makapag-isip ang mamamayan kung susuporta o hindi sa Cha-cha, pero ang nais naman ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ay isabay sa midterm elections next year ang plebisito sa Cha-cha para raw makatipid sa gastos ang pamahalaan.


Ang statement na ‘yan ni P-BBM ay pagpapatunay na atat na atat na siyang galawin ang ilang provisions sa 1987 Constitution, period!

◘◘◘


PARA MAKATIPID ANG GOV’T. DAPAT TANGGALIN NA ANG CONFI FUNDS NI P-BBM AT PORK BARREL NG MGA SEN. AT CONG. -- Malinaw ang sabi ni P-BBM, para raw makatipid ang gobyerno sa gastos kaya nais niyang pagsabayin na ang plebisito sa Cha-cha at May 2025 midterm elections.


Aba’y kung ang nais talaga ni P-BBM na makatipid ang gobyerno, dapat ay huwag na siyang hihingi ng bilyun-bilyong pisong confidential funds at huwag na rin bigyan ng “pork barrel projects” ang mga sen. at cong. boom!

◘◘◘


KUNG NAKINIG LANG SANA SI P-BBM SA PANAWAGAN NG SINAG NA BUWAGIN NA ANG NFA, ‘DI NA SANA NAKAGAWA NG ANOMALYA ANG MGA KURAKOT SA NFA -- Bumuo ng panel si Dept. of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. para imbestigahan ang anomalyang kinasangkutan ng ilang opisyal ng National Food Authority (NFA) na nagbebenta sa mga rice trader sa murang presyong P25 per kilo ng mga nakaimbak na mga milled rice sa mga warehouse ng NFA.


Kung nakinig lang sana si P-BBM sa panawagan sa kanya ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) noong August 20, 2023 na buwagin na ang NFA dahil wala naman ito umanong naitutulong sa mga magsasaka, sana ay hindi na nangyari ang anomalyang ito, period!


◘◘◘


P25 PER KILONG BIGAS, MGA KAPITALISTA PALA ANG MAKIKINABANG, HINDI ANG TAUMBAYAN -- Ang nabulgar na anomalyang ito ay masakit sa damdamin ng mamamayan na pinangakuan ni P-BBM na kapag siya ang naging presidente ay magiging P25 na ang per kilo ng bigas.


Masakit sa mamamayan ito, kasi hindi pala sa taumbayan magbebenta ng P25 per kilong bigas ang NFA, kundi sa mga kapitalistang rice traders, buset!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page