top of page

Overpricing sa farm-to-market roads, umabot sa P10 bilyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 14
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 14, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Mahigit 10 bilyong piso. Ganito kalaki ang halagang nalugi sa pamahalaan mula 2023 hanggang 2024 dahil sa overpricing sa mga farm-to-market roads. Kung ginamit lamang sana ang halagang ito nang tama, nakapagpatayo pa sana tayo ng halos 700 kilometro ng mga farm-to-market roads, halos katumbas ng layo ng Maynila hanggang Aparri. 


Pinuna ito ng inyong lingkod sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang budget ng Department of Agriculture (DA) at mga kalakip nitong ahensya. 


Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, madalas inaabot ng P15,000 kada metro ang halaga ng mga farm-to-market roads. Dagdag pa ng kalihim, maaari pa itong bumaba ng P10,000 kada metro. 


Ngunit nakakabahala ang natuklasan ng ating tanggapan. Kung titingnan natin ang 10 sa mga pinaka-overpriced na farm-to-market roads, lumalabas na inabot ang mga ito nang hanggang P348,432 kada metro. Labis-labis ang halagang pinatong sa mga farm-to-market roads na sana ay pinapakinabangan ng mas marami pang mga magsasaka. 


Sinuri rin natin kung sino ang mga top contractor na sangkot sa mga overpriced na farm-to-market roads na ito. Batay sa isinumiteng datos ng DA, tatlo sa mga kontratistang ito ay kasama rin sa mga top 15 contractors na nakakuha ng 20 porsyento ng flood control control projects. 


Lumabas din na Region V, Region VIII, at Region III ang mga rehiyon na may pinakamaraming overpriced na mga proyekto o iyong mga nagkakahalaga ng P30,000 kada metro o higit pa.


Kaya naman sa isinagawa nating pagdinig, pinatiyak natin sa DA na hindi na mauulit ang ganitong overpricing para sa susunod na taon. Kung hindi matitiyak ng DA na masusugpo nila ang overpricing, hindi tayo magdadalawang-isip na bawasan o alisin ang pondo ng farm-to-market roads at ilipat sa ibang programa.


Iminumungkahi rin natin na bigyan ang DA ng awtoridad upang sila mismo ay makapagpatayo ng farm-to-market roads. Sa mga nagdaang taon kasi, tanging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may awtoridad upang makapagpatayo ng farm-to-market roads. 


Sa gitna ng patuloy nating pagtalakay sa panukalang budget para sa 2026, patuloy din nating hinihimok ang publiko na makilahok sa pagsusuri at talakayan upang matiyak nating magagastos nang tama ang binabayaran nating buwis.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page