Over-acting ng media at gobyerno, number 1 na nagpalala sa sitwasyon ng COVID-19
- BULGAR

- Jan 18, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | January 18, 2021
Nagtataka ang ordinaryong tao sa nakikita nilang ulat sa media.
Wala silang nakikitang tinamaan ng COVID sa kanilang paligid, pero kung magbalita ang media ay parang napakagrabe ng sitwasyon.
Nawawalan ng kredibilidad mismo ang media!
◘◘◘
Maging ang mga tagapagsalita ng gobyerno ay over-acting dahil hindi nila naibibigay ang tunay na larawan ng sitwasyon.
Kapag nawalan ng kredibilidad ang media at gobyerno—diyan na magsisimula ang krisis!
◘◘◘
Hindi natin masisisi ang gobyerno at media sa senaryong 'yan dahil maaaring kapos talaga ng “utak, karanasan at kakayahan” ang ilang opisyal ng gobyerno na ibigay ang tamang sitwasyon nang walang emosyon.
Hindi rin natin masisisi ang media personnel dahil maaaring likas na wala silang alam o nakakahon sila sa padron lipas nang hulmahan ng kanilang propesyon!
◘◘◘
Hanggang ngayong alipin ng emosyon ang mga tagapagsalita at mismong ang matataas na opisyal ng gobyerno.
Ang inilalabas na datos ng mga ito ay naaapektuhan ng kanilang emosyon—imbes na ibigay ang tamang datos nang teknikal!
◘◘◘
Ganyan din sa media, ang mga brodkaster at reporter ay alipin ng kanilang emosyon kaya’t ang impormasyon ay lihis sa aktuwal na sitwasyon.
Mahirap itama ito dahil ang mismong pinakamataas na lider na dapat magdesisyon ay alipin din ng emosyon!
◘◘◘
Sa media ay ganyan din, ang mga pinakamataas na opisyal ay emosyunal din at pumoposturang “alam nila ang lahat at sila ang may alam sa solusyon”—kaya’t kahit magbigay ng rekomendasyon ang kabataan ay dinededma nila.
Sa ngayon, ang tunay na nakauunawa ng sitwasyon ay tanging ang mga kabataan—pero nagtetengang-kawali ang matatandang may hawak ng katungkulan!
◘◘◘
Ang ego o kayabangan at kahambugan ng mga decision makers ang siyang nagpapahamak sa ating lahat.
Sa totoo lang, hindi ang virus ang nagpalugmok ng ekonomiya at nakapatay ng maraming tao—bagkus ay ang lockdown na ipinatupad ng mga emosyunal na lider!
◘◘◘
Matagal nang sinasabi na hindi dapat sumandal sa emosyon kapag naglalabas ng desisyon.
At lalong hindi dapat magdesisyon kapag nasa sitwasyong ng panic, pero 'yan mismo ang naganap!
◘◘◘
Halimbawa, sa sunog—isinisigaw nang papalakas nang palakas ng bumbero ang katagang “Don’t Panic, Don’t Panic, Don’t Panic”—pero hindi sinusunod ng mga biktima.
Bakit?
Sapagkat ang mismong bumbero ay nahahalata nilang siya mismo ang nagpa-panic.
Hindi kailanman dapat maipatutupad ang utos—nang hindi naglalarawan ng tunay na sitwasyon!
◘◘◘
Ang virus ay nilalabanan gamit ang oryentasyon pang military imbes na pangsibilyan at pang saykolohikal.
Ang krimen ay nireresolba gamit ang prosekusyon at persekusyon imbes na saykolohikal.
◘◘◘
Kailangan ng daigdig ay modernong paham na hindi natitinag ng anumang panganib.
Ito ay dapat maunawaan ng ordinaryong tao partikular ng hanay ng kabataan.
◘◘◘
Ang bilyun-bilyong kabataan ang magdurusa sa palpak at dispalinghadong desisyon ng mga kasalukuyang lider.
Dapat nang magsikap ang kabataan na lumahok, magsaliksik at makialam sa mahahalagang desisyon sa paligid—wala nang iba pa!





Comments