top of page
Search
  • BULGAR

Ospital para sa OFWs, malaking ginhawa para sa bawat pamilyang Pinoy

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 4, 2022


Malapit sa aking puso ang ating mga overseas Filipino workers (OFWs). Isinulong ko sa Senado bilang author at co-sponsor hanggang maisabatas ang Republic Act No. 11461 para malikha ang Department of Migrant Workers. Ngayon, hindi na kailangang pagpasa-pasahan pa ang mga OFWs dahil isang ahensya na lamang ang tututok sa kanilang mga hinaing. Kaya dapat na magkaisa tayo upang maipatupad ang batas nang maayos at maisakatuparan ang ating pangako sa ating mga kababayang nasa ibang bansa.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, pinaninindigan ko ang pagkakaloob ng mas magandang serbisyong pangkalusugan sa lahat ng Pilipino — lalung-lalo na sa mga OFWs na itinuturing nating mga bagong bayani.


Noong Labor Day, May 1, sinamahan ko si Pangulong Rodrigo Duterte para mag-inspeksyon sa kauna-unahang Overseas Filipino Workers Hospital sa San Fernando City, Pampanga. Ang OFW Hospital ay anim na palapag na pasilidad na may 100-bed capacity. Ang 1.5 ektaryang loteng pinagtayuan nito ay donasyon ng provincial government ng Pampanga. Para ito sa mga OFWs at kanilang qualified dependents.


Katuparan ito ng aking pangako at ni Pangulong Duterte at testamento kung paano namin pinahahalagahan ang kanilang kontribusyon sa ating bansa. Kabilang ito sa mahabang listahan ng maituturing na legacy ng Administrasyong Duterte.


Mahalaga ang OFW Hospital dahil sinusuklian natin kahit papaano ang sakripisyo ng OFWs sa pamamagitan ng mas maayos at magandang serbisyong pangkalusugan para sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Hindi dagdag na problema ang dapat ibigay sa kanila, kundi mabilis, maayos, at maaasahang serbisyo na may tunay na malasakit.


Personal din naming dinaluhan ng Pangulo noong araw na iyon ang groundbreaking at capsule-laying para sa Pampanga Provincial Hospital-Clark sa Mabalacat City, Pampanga. Ipinaglaban natin na mabigyan ng sapat na pondo ang PPH-Clark na itatayo sa 9,259-square meter lot sa Changi Gateway, Clark Global City.


Ang PPH-Clark ay kayang magkaloob ng accessible at low-cost health services para sa mahigit 120,000 na manggagawa sa loob ng Clark Freeport Zone, at sa mga residente ng Pampanga at mga kalapit-lugar.


Natutuwa ako na nagtutulungan ang national at local government sa pagpapatayo ng mga ganitong pasilidad. Karapatan ng bawat Pilipino, lalo na ng mga manggagawang Pilipino at mga OFWs, na magkaroon ng maayos at maaasahang serbisyong pangkalusugan kahit saan mang sulok ng bansa.


Umasa kayong ipagpapatuloy ko ang mga ganitong inisyatibo para sakali mang magkaroong muli ng health crisis ay hindi na mabibigla ang ating healthcare system dahil unti-unti ay nakapaghahanda na tayo.


Samantala, tuluy-tuloy ang aking 24/7 na serbisyo para sa ating mga kababayan na ang kabuhayan ay apektado ng pandemya at iba pang krisis.


Kahapon, May 3, ay personal kong binisita at hinatidan ng tulong ang mahigit 100 pamilyang nasunugan sa Pasig City. Ang mga biktima ng sunog ang inaagapan kong maayudahan dahil napakahirap ng kanilang kalagayan, lalo na ang mga walang naisalbang gamit at kasuotan, bukod pa ang problema sa pagkain at pansamantalang tutuluyan.


Ang 4,150 kababayan nating nabiktima rin ng bagyo sa Abuyog, Leyte ay nakatanggap ng tulong mula sa ating tanggapan nitong nakaraang araw. Nauna rito, napagkalooban ng ayuda noong Mayo 1 at 2 ang 300 mahihirap na residente ng Noveleta at Dasmariñas City, Cavite; 1,000 benepisyaryo sa Valenzuela City; 500 sa Cainta, Rizal; 200 sa San Jose del Monte City, 500 naman sa Malolos City sa Bulacan; at 1,328 benepisyaryo sa Caloocan City.


Habang may mga kababayan tayong nangangailangan, palagi tayo dapat handang tumulong. Wala rin po akong pinipiling tulungan dahil ang pagkakaloob ng ayuda ay wala dapat halong pulitika. Pare-pareho tayong Pilipino at pantay-pantay ang pagtingin ko pagdating sa pagbibigay sa inyo ng tulong at serbisyo.


Kahit saang sulok ng bansa, basta kaya ng oras at katawan ko, ay pupuntahan ko kayo upang pakinggan ang inyong hinaing, masolusyunan ang inyong mga problema, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.


Ipapaalala ko rin sa inyo na ilang araw na lang at halalan na. Makilahok tayo sa May 9 elections dahil obligasyon natin ang pagboto at pagpili ng mga lider na siyang magtitimon sa ating bansa sa susunod na mga taon.


Ang malinis na halalan ay ang pundasyon ng ating demokrasya. Pumili tayo nang may kalayaan at huwag ipagbibili ang ating karapatang bumoto. Protektahan natin ang integridad ng ating halalan dahil tanging tayong mga Pilipino lamang ang makapaglilikha ng maayos na kinabukasan para sa ating mga anak.


At kung sino man ang manalo at iluklok ng higit na nakararami, respetuhin natin at suportahan. Magkaisa tayo para sa kapakanan ng ating minamahal na bansa!


Laging tandaan na nasa kamay natin ang kung sino ang magsusulong at magpapatuloy ng mga programang mag-aangat at makapagbibigay ng mas komportableng buhay sa bawat Pilipino tulad ng ipinangako at ipinaglaban ni Pangulong Duterte.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page