Orientation muna sa mga pulis bago i-deploy para sa pagpapatupad ng alert level system
ni Ryan Sison - @Boses | September 14, 2021
Matapos aprubahan ang provisional guidelines para sa alert level system na ipatutupad sa National Capital Region (NCR), ipinag-utos ni PNP chief General Guillermo Eleazar sa pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na siguraduhing maipaalam sa kapulisan ang mga bagong panuntunan sa ilalim ng naturang polisiya.
Giit pa ng opisyal, kailangang may sapat na kaalaman sa polisiya ang mga pulis na ide-deploy sa mga lugar na may alert level, partikular ang mga pinapayagan at hindi pinapayagang lumabas.
Kasama sa bagong guidelines ang Alert Level 4, na pinakamtaas na risk classification kung saan ipinagbabawal ang dine-in, personal services at mass gatherings. Limitado lamang din sa healthcare workers at umuuwi o umaalis na OFWs ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na papayagang lumabas.
Sa totoo lang, mahalaga ang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga lokal na pamahalaan upang malaman ang alert level sa kanilang nasasakupan upang mas epektibong maipatupad ang protocols.
Kinakailangan ang sapat na kaalaman hinggil sa mga umiiral na batas sa ilalim ng bagong quarantine classification. Sa ganitong paraan kasi ay mas maiiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tagapagpatupad ng batas at publiko.
‘Ika nga, hindi ito first time na magkakaroon ng bagong polisiya, kaya hangad nating maging handa ang kapulisan sa responsibilidad na ito.
Hindi puwedeng basta na lang tayo magde-deploy ng pulis sa lugar, pero mangmang naman sa mga polisiya. Malamang ang ending niyan, magulo ang lugar at malalabag lang ang mga protocols. Kaya sa mga kinauukulan d’yan, tiyaking sasailalim sa seminar o orientation ang mga pulis para walang sisihan.
Samantala, pakiusap lang sa ating kapulisan, pairalin ang maximum tolerance sa lahat ng pagkakataon. Pasensiya pa more at iwasan ang init ng ulo dahil hindi ito makatutulong.
At paalala sa taumbayan, ‘pag sinabing bawal, ‘wag nang pasaway. Paulit-ulit na itong paalala kaya plis lang, ‘wag na tayong maging dagdag-problema sa bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments