top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Ordinaryong mamamayan, lagot ‘pag lumabag sa protocols, ‘pag gov’t officials, dedma!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 23, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 23, 2021



Sa lahat ng pagkakataon at saanman pumunta, alam ng bawat isa na may umiiral na health protocols bilang hakbang kontra COVID-19.


Kabilang sa mga ito ang wastong pagsusuot ng facemask at faceshield, gayundin ang tamang social distancing.


Mula sa pampublikong mga lugar, establisimyento at maging sa pampublikong transportasyon, kailangang masunod ang lahat ng ito sa lahat ng oras at may katapat na parusa ang bawat paglabag.


Kaugnay nito, isang pasahero ang nakatakdang kasuhan ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos mag-selfie sa loob ng tren nang walang suot na facemask at face shield.


Paliwanag ng MRT-3, ang naturang aksiyon ng pasahero ay reckless, insensitive at naglagay sa alanganin sa kalusugan ng kanyang kapwa pasahero.


Habang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng pasahero, aalamin din kung nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng kanilang transport martial on duty, na siyang may tungkuling paalalahanan, pababain ng tren, palabasin ng istasyon at terminal ang pasaherong lumalabag sa minimum health standards ng MRT-3.


Sa totoo lang, nakadidismaya at nakalulungkot dahil kailangang umabot sa sampahan ng kaso dahil sa nalabag na health protocols.


Bagama’t dapat lang na parusahan ang lumalabag para madala at hindi na umulit, dapat maging patas tayo. Kumbaga, panagutin ang dapat managot.


Ang hirap kasi sa atin, ‘pag ordinaryong tao, hahanapin agad para maparusahan, pero bakit ‘pag may posisyon sa gobyerno ang lumabag, para tayong nagbubulag-bulagan?


Samantala, paalala sa lahat ng ating kababayang lumalabas, tumalima sa mga umiiral na health protocols at maglaan ng mas maraming pasensiya at sumunod kung pinaalalahanan kung sakaling nalabag ang mga panuntunan.


Kung sa bahay nga, kailangan na ring mag-facemask, siyempre, pagdating sa pampublikong lugar, kailangan ng karagdagang pag-iingat.


Sana lang, magbigay-paalala at babala ito sa lahat na dapat nating seryosohin ang umiiral na protocols, hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa ikabubuti ng nakararami.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page