top of page

Ordinary employee lang ang state witness sa pork barrel scam, mga kurakot na ex-DPWH offc’ls at kontraktor naman sa flood control scam, buwisit!!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 18, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA PORK BARREL SCAM, SI BENHUR LUY LANG ANG STATE WITNESS, SA FLOOD CONTROL SCAM, MGA KURAKOT NA EX-DPWH OFFICIALS AT KONTRAKTOR ANG  GINAWANG MGA STATE WITNESS – Noong panahon ng pork barrel scam sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ang pangunahing state witness ay si Benhur Luy, pamangkin at karaniwang empleyado ni Janet Napoles, ang tinaguriang "pork barrel queen." Ang kanyang mga pahayag ang naging batayan ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Ombudsman upang magsagawa ng imbestigasyon at mangalap ng ebidensya. Dahil dito, naisampa ang mga kasong plunder, malversation of public funds, bribery, at graft sa Sandiganbayan laban sa mga senador, kongresista, ilang opisyal ng gobyerno, at pati na si Napoles, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at pagkakakulong.


Sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, bumuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si PBBM. Ang mga state witnesses ngayon ay pawang tatlong dating mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at isang kontraktor, na sangkot sa alegasyong katiwalian sa flood control projects at pang-aabuso sa pondo ng bayan. Boom!


XXX


TAKOT BA SI CONG. LEVISTE KAY OMBUDSMAN REMULLA KAYA HINDI NIYA ITO KINASUHAN? – Noong January 10, 2026, inatake ni Ombudsman Boying Remulla si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, na sinabing, “‘Yung government franchise, hindi dapat ninenegosyo ‘yun. Eh ang bata-bata mo pa, binenta mo ‘yung franchise. Wala ka bang kahihiyan? Anong klaseng Pilipino ‘yan?”


Batay sa pahayag na iyon, nagbigay ng komento si Presidential Communication Officer (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro laban kay Cong. Leviste. Hindi ito nagustuhan ng kongresista, kaya idinemanda niya si Usec. Castro ng civil case na cyberlibel, humihingi ng P110 milyon bilang moral damages. Hindi niya isinama sa demanda si Ombudsman Remulla, na ayon sa kanya ay kaibigan ng kanyang ina.


Mababaw anang idinahilan ni Cong. Leviste, at marami ang nagsasabing ang tunay na dahilan ay takot siya kay Ombudsman Remulla, kaya hindi niya ito idinemanda. Sa kabilang banda, wala siyang takot kay Usec. Castro, kaya siya lamang ang sinampahan niya ng kaso. Boom!


XXX


DAPAT ‘YUNG MGA KURAKOT SA LTO ANG TINATANGGAL SA SERBISYO, KINAKASUHAN AT IPINAKUKULONG, HINDI INIRE-REASSIGN LANG – Ibinida ni Land Transportation Office (LTO) Chairman Asec. Markus Lacanilao na ini-reassign muna niya sa LTO main office ang dalawang LTO regional directors dahil sa alegasyon ng korupsiyon.


Hay naku! Imbes na tanggalin sa serbisyo, kasuhan, at ipakulong ang dalawang opisyal na ito, ini-reassign lang sila. Tsk!


XXX


DAPAT MAGHIGPIT NA ANG IMMIGRATION SA BACKDOOR PARA HINDI NAKAKAPUSLIT PALABAS NG ‘PINAS ANG MGA WANTED – Ayon sa Bureau of Immigration (BI), walang record na nakalabas ng Pilipinas ang most wanted na si Charlie “Atong” Ang. Batay din sa mga dating pahayag ng BI, wala ring record na nakalabas ng bansa sina dating presidential spokesman Harry Roque at dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Gou. Gayunpaman, napag-alaman na nasa ibang bansa na sina Roque at Gou. Sa kaso ni Alice Gou, agad siyang nasundan at nadakip ng mga awtoridad sa Indonesia.


Kaya kung sakaling nakalabas na rin ng Pilipinas si Atong Ang sa pamamagitan ng backdoor, isa lang ang dapat gawin ng BI: palakasin ang pagbabantay sa lahat ng exit points upang matiyak na walang wanted na makakapuslit palabas ng bansa. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page